Naghain si Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito ng resolusyon na nag-aatas sa Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay ng sobrang pag-angkat ng asukal at ang epekto nito sa lokal na industriya.
Sa Senate Resolution No. 369, nagbabala si Ejercito na ang labis at hindi napapanahong pag-angkat ay nagreresulta sa pagbagsak sa farm gate prices ng asukal at malaking kabawasan din sa kita ng mga magsasaka at mga manggagawa ng asukarera.
“Nakakaalarma na ang labis at hindi tamang timing ng importation dahil naaapektuhan nito ang ating mga magsasaka at manggagawa sa asukal. Kaya dapat itong agarang tutukan at ayusin na,” sabi ni Ejercito.
Aniya, dapat suriin ang umiiral na mga polisiya sa importasyon sa asukal, partikular ang tiyempo at dami, para masigurong tutugunan sila sa kasalukuang hamon at suportahan ang pangmatagalang pananatili ng industriya.
“It is necessary to protect and promote the welfare of local sugar farmers, who are among the most vulnerable sectors in the agricultural industry, by safeguarding them from the adverse effects of market volatility, declining farmgate prices, and unregulated or excessive sugar importation,” sabi sa resolusyon.
Nakasaad din sa resolusyon na batay sa datos, nagkaroon ng pagtaas sa suplay ng asukal. Nitong Marso 2026, umabot sa 668,405 metriko toneldang stock ng asukal, mas mataas sa 568,871 metric tons na naitala sa katulad din period noong 2025.
Ang refined sugar supply ay tumaas din sa 506.804 metric tons, 38.77% pagtaas mula sa nagdaang taon, kayat’ isa itong alalahanin dahil sa oversupply nito sa domestic market.
Para sa Crop Year 2025–2026, tinatayang umabot sa P12.8 bilyon ang foregone revenue mula sa asukal at molasses pagkatapos ng 25 linggo.

Share.
Exit mobile version