Nauwi sa pagkakaaresto ang isang healthcare worker, na inaasahang nangangalaga sa kalusugan ng iba. nang masangkot sa bentahan ng shabu.
Nahuli ng mga awtoridad ang isang 32-anyos na registered nurse sa isinagawang anti-drug operation sa loob mismo ng isang ospital sa Tuguegarao City, Cagayan noong Miyerkules ng hapon.
Batay sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 2, target ng operasyon ang suspek na nakilalang si alyas Eloy, na residente ng bayan ng Abulug.
Matapos ang isinagawang surveillance, ikinasa ng mga operatiba ang isang buy-bust operation kung saan nagpanggap na kostumer ang isang undercover agent.
Nauwi ito sa pagkakadakip ng suspek matapos ang umano’y bentahan ng ilegal na droga.
Sa isinagawang inspeksyon, nakumpiska ang ilang pakete ng hinihinalang tobats na tumitimbang ng tinatayang limang gramo at may halagang nasa P34,000.
Bukod dito, narekober din ang mga kagamitan na hinihinalang may kaugnayan sa paggamit ng bawal na gamot, kasama ang marked money na ginamit sa operasyon.
Ayon sa mga awtoridad, nakadagdag sa bigat ng kaso ang katotohanang naganap ang operasyon sa loob ng isang health institution kung saan inaasahang pinangangalagaan ang kapakanan ng mga pasyente.
Nakakulong na ngayon ang suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng mga kasong paglabag sa RA 9165.
Trending
- P1.3-m Ismagel yosi nasamsam sa Sarangani
- Pekeng water delivery boy nagnakaw sa faculty room
- ASEAN police, bubuo ng task force vs online scam
- Ginang huli sa pagpapakalat ng bomb threat sa iskul
- Bahay ni Torre sa Davao pinasok ng baha
- P2.5m iligal na mantika nasamsam sa Batangas
- Babaeng manager patay sa ambush
- Patrolman, arestado sa panggagahasa ng 14-anyos
