Nasawi ang 53-anyos na negosyante mula sa Valencia City nang mahulog mula sa overpass malapit sa Central Mindanao University (CMU) sa Barangay Dologon, Maramag, noong Sabado ng hapon, Hulyo 18.
Kinilala ng Maramag Municipal Police Station ang biktima sa alyas na “Milo,” residente ng Barangay Lumbo, Valencia City.
Ayon sa pulisya, 3:15 ng hapon nang matanggap nila ang ulat tungkol sa insidente. Agad na rumesponde ang mga awtoridad, ngunit nauna nang naisugod ng mga concerned citizen ang biktima sa isang ospital sa
Maramag.
Sa kabila ng agarang pagdadala sa pagamutan, idineklara siyang dead on arrival ng attending physician dahil sa matitinding pinsalang kanyang natamo.
Sa paunang imbestigasyon, may mga nakakita umano sa biktima na umakyat sa overpass bago ang insidente.
Gayunman, binigyang-diin ng pulisya na wala pa silang opisyal na konklusyon sa dahilan ng pagkahulog at patuloy pa ang masusing imbestigasyon.
Nasa punerarya na ang labi ng biktima habang patuloy na kumukuha ng mga pahayag ang mga imbestigador mula sa mga posibleng saksi at nangangalap ng iba pang ebidensya upang matukoy ang tunay na nangyari.
Samantala, nanawagan ang pulisya sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng mga hindi kumpirmadong impormasyon at hintayin ang opisyal na resulta ng kanilang imbestigasyon.

Share.
Exit mobile version