Naghain ang National Bureau of Investigation (NBI) ng ethics complaint laban kay Cavite Rep. Kiko Barzaga nitong Martes, Hunyo 2, kaugnay ng umano’y maling mga paratang nito sa social media.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, nakabatay ang reklamo sa siyam na post ng mambabatas tungkol sa insidente ng putukan sa Senado.
“Meron siyang mga pinost which is very offensive to the National Bureau of Investigation. Meron siya live din doon na ginawa,” ani Matibag.
Kabilang umano sa mga naging pahayag ni Barzaga ang alegasyon ng tangkang assassination, mga nasawi sa insidente, at panawagang humiwalay ang Mindanao sa Pilipinas upang maprotektahan sina Senador Ronald “Bato” dela Rosa, Senador Bong Go, at ang pamilya Duterte mula sa aniya’y foreign courts.
Sa reklamo, hiniling ng NBI na imbestigahan ang mga naturang post at patawan ng kaukulang parusa ang kongresista alinsunod sa mga patakaran ng Kamara de Representantes.
“Baka dapat ‘to, removal from the office already. I think that’s the penalty that should be given… not only the filing namin today but also ‘yung mga previous sanctions niya,” dagdag pa ni Matibag.

Share.
Exit mobile version