Sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Martes na may “leads” na umano ang mga awtoridad sa kinaroroonan ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa, nguni’t tumanggi itong magbigay ng detalye dahil sa patuloy na imbestigasyon.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, posibleng kabilang sa may alam sa lokasyon ng senador si Senator Robinhood Padilla. Nauna nang sinabi ni Padilla na nagtatago umano si Dela Rosa sa sinasabing kidnapper, dahilan kung bakit ito umalis sa Senado noong Mayo 14.
Tumanggi rin si Padilla na sagutin kung tinulungan niya si Dela Rosa na umalis sa Senado, sa gitna ng mga alegasyong magkasama silang umalis.
Si Dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police at nanguna sa anti-drug campaign ng nakaraang administrasyon, ay may umiiral na warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC).
Nanawagan si Matibag sa senador na harapin ang legal na proseso at sumuko sa ICC warrant.
“Galing siya sa law enforcement… it’s better na harapin niya ‘yung warrant niya, mag-submit siya. Harapin niya ‘yung kanyang pananagutan sa batas,” Matibag said.
Dagdag niya, ang boluntaryong pagsuko ay makatutulong umano sa pagpapanumbalik ng tiwala ng publiko sa mga institusyon sa gitna ng kontrobersiya.
“‘Yung sinasabi na nasira ‘yung Senado, that’s the only way also para ‘yung tao rin bumalik din ‘yung magandang pagtingin sa Senado,” aniya.
Binigyang-diin ni Matibag na nananatiling aktibo ang ICC warrant at obligadong mag-monitor at makipag-ugnayan ang mga awtoridad ng Pilipinas sa international tribunal.
“Nasa wanted list siya ng ICC. So, we have a commitment to the International Criminal Court. As a law enforcement, naka-monitor tayo,” aniya, at idinagdag na hindi muna isiniwalat ang operational details upang hindi maapektuhan ang operasyon.
Dagdag pa niya, may inihain umanong petisyon ang kampo ni Dela Rosa sa Korte Suprema, kaya hihintayin ng mga awtoridad ang desisyon habang nagpapatuloy ang koordinasyon ng mga ahensya.

Share.