Pinanindigan ng National Bureau of Investigation (NBI) na hindi AI o artificial intelligence ang ‘kill threat’ video ni Vice President Sara Duterte laban kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.
Huling tinalakay sa impeachment proceedings laban kay Duterte ang video ng kanyang online press conference noong November 23, 2024 habang nakakulong ang kanyang Chief of Staff (COS) na si Atty. Zuleika Lopez sa Batasang Pambansa matapos itong ma-contempt.
Ilang beses na inilabas ang video sa nasabing impeachment proceedings kung saan sinabi ni Duterte ang mga katagang “P*t*** ina ninyong lahat—Martin Romualdez, Liza Marcos, Bongbong Marcos.”
“Huwag kang mag-alala, Ma’am, sa security ko, kasi may kinausap na ako na tao. Sabi ko sa kanya, kapag pinatay ako, patayin mo si BBM, si Liza Araneta, at si Martin Romualdez. No joke, no joke. Nagbilin na ako, Ma’am. ‘Pag mamatay ako, sabi ko, huwag ka tumigil hanggang hindi mo mapatay sila,” bahagi pa ng video ni Duterte.
Sa pagtatanong ni House Committee on Justice vice chairman at San Juan Re. Ysabel Maria Zamora, sinabi ni NBI Agent John Mark Calilung na hindi AI-generated ang video.
“Ang authentication po ay pagtiyak na ang video ay pareho at tunay na recording ng nangyari. Ini-ensure po namin na hindi ito edited, spliced, o AI-generated, Your Honor,” pahayag ni Calilung.
Sinabi ni Calilung na nakipag-ugnayan ang mga ito sa Meta platforms na ipreserba ang tinatawag na “original URL, screen recording of the livestream at hash value computation” upang hindi ito mabago.
“Ang hash value calculation po ay parang fingerprint ng digital file. Kung ma-edit ang video, magbabago ang hash value,” paliwanag pa ni Calilung.
Nang tanungin ni Zamora kung ang footage na inilabas sa impeachment proceeding nitong Miyerkules mula sa “authenticated copy na isinumite sa NBI, sinagot ito ni Calilung ng “Yes, Your Honor. It is part of the authenticated video.”

Share.
Exit mobile version