Umarangkada na ang service caravan ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa mga magsasaka ng Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) at mga residente ng Barangay Itlugan, Rosario, Batangas upang makakuha ng mga serbisyo ng pamahalaan matapos magsagawa ang DAR ng  serbisyo sa kanilang komunidad.
Pinangunahan ng DAR Municipal Office (DARMO) Rosario sa ilalim ng Cluster VII ang aktibidad na nagsama-sama ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang maghatid ng mahahalagang serbisyo sa ilalim ng programang “Mas Maigeng Rosario.”
Nabatid na sa caravan, nakinabang ang mga magsasaka at ARBs sa libreng legal consultation kaugnay ng mga usaping agraryo, pagproseso ng DAR Clearance, document revalidation, at iba pang serbisyong may kaugnayan sa agrarian reform.
Ayon kay Municipal Agrarian Reform Program Officer Engr. Winston Doctor, mas napapadali ng Service Caravan ang pag-access ng mga magsasaka at ARBs sa mga serbisyo ng pamahalaan.
“Sa pamamagitan ng Service Caravan, naihahatid natin ang mga serbisyo ng DAR nang direkta sa ating mga magsasaka at ARBs. Dahil dito, mas mabilis, mas madali, at mas maayos nilang natatanggap ang tulong na kailangan nila,” sabi ni Doctor.
Kaugnay nito nagpasalamat naman ang mga residente dahil nakatipid sila sa oras at gastusin sa biyahe, habang nabigyan din sila ng pagkakataong maiparating ang kanilang mga katanungan at agad na makatanggap ng tulong mula sa mga ahensya ng pamahalaan.
Samantala bahagi ang Service Caravan ng patuloy na programa ng DAR upang mas mapalapit ang mga serbisyo nito sa mga komunidad at mapabuti ang kalagayan ng mga ARB sa buong lalawigan ng Batangas.

Share.
Exit mobile version