“Enough is enough”
Ito ang tahasang sinabi ni Quezon City Rep. Jesus “Bong” Suntay sa Meralco kaugnay sa patuloy na pagpasa ng iba’t ibang singil sa consumers, kasunod ng lumalakas na reklamo sa umano’y hindi malinaw at hindi makatarungang charges.
Binigyang diin ng mambabatas na matagal nang pinapasan ng publiko ang system losses at inefficiencies sa distribution, at ngayon ay tila pati ilang tinatawag na “government subsidy” mechanisms—tulad ng para sa senior citizens at lifeline rates (4Ps at low-income earners)—ay ipinapasa rin sa nagbabayad na consumers.
“Hindi pwedeng laging ang maayos magbayad ang napaparusahan. Hindi ito sustainable, at lalong hindi makatarungan.”
 Nanawagan pa ang kongresista na suriin ang mga singil tulad ng system loss charges, universal charges, renewable energy-related fees, at iba pang pass-through costs, pati na ang mga subsidy mechanisms na dapat malinaw kung sino ang tunay na dapat sumalo.
“Kung may mga programang panlipunan o policy-driven mechanisms, dapat malinaw kung sino talaga ang dapat sumalo ng gastos—hindi automatic na ipinapasa sa consumers. We will scrutinize these charges closely—legal basis, implementation, at kung may kailangang baguhin sa policy.”
Aniya, dapat tiyakin ng mga regulatory agencies na ang lahat ng singil sa kuryente ay transparent, justifiable, at patas.
“Enough is enough. Hindi na pwedeng tuloy-tuloy ang pagpasa ng gastos sa mamamayan.”

Share.
Exit mobile version