Isusulong ng Pilipinas ang mas matibay na bilateral relations sa Sultanate of Oman, sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac nitong Huwebes, Abril 30.
“Meron kasing napipintong talks tayo ngayon toward a bilateral agreement. So, napag-usapan din yun at yung malaking posibilidad na malapit na, malapit nang magkaroon ng kumbaga ay agreement, bilateral agreement with Oman,” ani Cacdac.
Hindi na nagbigay si Cacdac ng dagdag na detalye kaugnay ng usapan.
Ani Cacdac, nakipagkita siya kay Oman Labor Minister Mahad bin Said bin Ali Baawain, kasama si Philippine Ambassador to Oman Noralyn Jubaira Baja at iba pang opisyal ng Pilipinas sa kanyang pagbisita mula Abril 27 hanggang 30.
Sa pagpupulong, sinabi ni Cacdac na isinagawa rin ang diskusyon patungkol sa worker protection ng mga Filipino maging ang kapakanan ng mga seafarer.
“Ang layon ko naman doon ay patuloy na ipahatid sa kanila yung pasasalamat natin sa Sultanate of Oman, His Majesty the Sultan of Oman, sa tulong na binibigay sa ating mga OFW.”
Iginiit ni Cacdac ang mahalagang tungkulin ng Sultanate of Oman sa pagtulong sa pagpapalaya sa mga Filipino seafarer sa mga nangyaring high-risk incidents, kabilang ang 17 crew members ng Galaxy Leader at siyam mula sa Eternity Sea, na napalaya noong Enero at Disyembre 2025.

Share.
Exit mobile version