Bumulusok ang kumpiyansa ng mga negosyo sa Pilipinas noong Hulyo, na mas mababa pa kaysa sa mga antas na naitala sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Ayon sa ulat ng Bilyonaryo, bumagsak ang business confidence index ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa -20.3% noong Hulyo mula sa 0 noong Hunyo.
Mas mababa ito kumpara sa -5.3% na naitala noong third quarter ng 2020 at -5.6% noong third quarter ng 2021, nang sumipa ang Delta variant ng COVID-19.
Halos 20% ng mga kumpanyang may mas negatibong outlook ang nagbanggit sa tensyon sa Middle East, habang 15.1% ang nagturo sa pagtaas ng presyo ng langis dahil sa pagkaantala ng fuel shipments sa Strait of Hormuz. Samantala, 11.3% naman ang nagbanggit sa nagpapatuloy na inflation.
Humina rin ang pananaw ng mga negosyo para sa mga susunod na buwan. Bumaba sa 3.7% mula 18.8% ang confidence index para sa Oktubre, habang bumagsak sa 29.4% mula 42.4% ang outlook para sa susunod na 12 buwan.
Bumaba rin sa -0.1% mula 8.3% ang business activity index, habang naging -0.7% mula 5.4% ang total orders.
Iniulat din ng mga kumpanya ang mas mahigpit na financial conditions at access sa credit. Bumaba sa 68.6% mula 73.9% ang average capacity utilization sa industry at construction sectors.
Humina rin ang hiring expectations ng mga negosyo, kung saan bumaba sa 9% mula 20.2% ang inaasahang 12-month employment outlook.
Gayunman, tumaas sa 20.8% mula 18.7% ang bahagi ng industrial firms na nagpaplanong magpalawak ng operasyon.
Inaasahan naman ng mga negosyo na tataas pa ang inflation at borrowing costs at hihina ang halaga ng piso sa susunod na 12 buwan.
Nanatili sa 5.6% ang year-ahead inflation forecast, mas mataas sa 2% hanggang 4% target range ng BSP, dahil sa inaasahang pagtaas pa ng presyo ng langis at matagalang tensyon sa Middle East.
Isinagawa ang July survey sa 506 kumpanya sa buong bansa, na may response rate na 48.8%.
Trending
- Carlos Alcaraz, umusad na sa Quarter-finals ng US Open
- Pilipinas napiling maghost ng last window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers
- Janine prinsesa ni Jericho
- Ryan Bang, Max Collins grabe mukbang-an
- Awra Briguela nagulat sa pagkakahawig kay Kendra Kramer
- Water bills lolobo
- 26 estudyante nasawi sa sunog at stampede sa 2 iskul sa DR Congo
- Sarangani niyanig ng 3.9 magnitude na lindol
