Hindi naging maganda ang naging karanasan ni Martin Nievera sa isang airport sa Amerika matapos maiwan ang kanyang handbag sa loob ng eroplano.
Sa mahabang Instagram post ng Concert King, ikinuwento niyang naiwan niya ang bag sa ilalim ng upuan sa isang flight ng JetBlue patungong Fort Lauderdale mula Las Vegas.
Ilang minuto lamang matapos makababa ng eroplano ay agad niya itong ini-report, ngunit pinayuhan siyang maghintay na lamang ng tawag kung sakaling makita ang kanyang gamit.
Dahil may tracking device sa kanyang wallet, natunton ni Martin ang lokasyon ng bag at kinabukasan ay bumalik siya sa airport.
Ayon sa singer, sinabi pa umano ng mga personnel na wala silang natatandaang bag na tumutugma sa kanyang paglalarawan.
Gayunman, nang i-activate niya ang alarm ng tracking device gamit ang kanyang cellphone, doon nila narinig na nasa likod lamang ng counter ang kanyang bag.
Mas lalo pa siyang nabigla nang mabuksan ito.
“Pagkabukas ko ng bag, wala na ang lahat ng credit cards ko pati ang cash na nasa wallet,” ani Martin sa kanyang post.
Ipinaliwanag umano sa kanya na bahagi raw ng kanilang polisiya ang pagwasak sa mga credit card at pagkuha ng cash, na ibinabalik umano sa may-ari sa pamamagitan ng tseke.
Ngunit ayon kay Martin, taliwas ito sa impormasyong nakita niya online na nagsasabing ginagawa lamang ang naturang proseso kapag hindi pa nakukuha ang nawawalang gamit makalipas ang 30 araw.
Hindi na rin umano niya agad naasikaso ang paghahain ng reklamo dahil abala siya sa mga natitirang pagtatanghal ng Voic3s US Concert Tour kasama sina Jed Madela at Sofronio Vasquez.
Trending
- Marcoleta, pinagpapaliwanag ng Sandigan
- Education crisis dapat bigyang prayoridad
- Mas mabigat na parusa sa ospital
- Senior high timbig sa pagpo-post sa socmed ng banta vs guro, estudyante
- Tour guide sibak sa harassment sa hiker
- Delivery rider huli sa P1M shabu
- Ilang bahagi ng Davao lubog sa baha
- Lalaki namemeke ng birth certificate, timbog
