Naghain ng panukala sina House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander Marcos at Speaker Faustino Dy III upang alisin ang mga hindi kinakailangang permit at proseso para makagamit ng rooftop solar panels, battery storage systems, at iba pang behind-the-meter energy technologies.
Ayon kay Marcos, layunin ng panukalang Sariling Kuryente Act (House Bill 10431) na luwagan ang proseso ng paggamit ng mga solar panels at storage system at hindi na kailanganin pa ang pag-apply ng mga regulatory requirement na katulad ng kinukuha ng mga commercial power producer.
“President Ferdinand Marcos Jr. wants energy policy to give people real choices, and Speaker Bojie Dy and I believe those choices should begin at home. Kung kaya ng isang pamilya o negosyo na gumawa at mag-store ng sariling kuryente, government should clear the path instead of treating them like a commercial power producer,” sabi ni Marcos.
Aamyendahan ng HB 10431 ang Electric Power Industry Reform Act of 2001 upang malinaw na maihiwalay ang kuryenteng nililikha para sa personal na konsumo mula sa kuryenteng ginagawa para ibenta.
Sa ilalim ng panukala, ang isang end-user na nagpapatakbo ng behind-the-meter generation o storage system para lamang sa sariling paggamit ay hindi ituturing na generation company.
“This bill protects consumers from needless delays without compromising safety, which is the balance President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. has consistently demanded and Speaker Bojie Dy has helped us pursue in the House. Ang mensahe nito ay malinaw: families should be free to invest in their own power supply under fair and uniform rules,” giit ni Marcos.
Sa ilalim ng panukala, ang mga power system na nakasusunod sa pamantayang itinakda ng Energy Regulatory Commission (ERC) upang maiwasan ang pagdaloy ng kuryente pabalik sa distribution grid ay hindi na kakailanganing kumuha ng certificate of compliance o authorization permit mula sa ERC.
Ipinagbabawal din sa mga distribution utility ang paghingi ng paunang pag-apruba, kasunduan, technical study, pagpapalit ng metro, o karagdagang singil para sa mga kwalipikadong non-exporting system.
Sa halip, ang may-ari ay kinakailangan lamang na ipaalam sa distribution utility na natapos na ang pag-install ng sistema.
Ang mga sistemang may kakayahang magpadala ng kuryente sa grid ay mananatiling saklaw ng mga interconnection rule, ngunit inaatasan ang mga utility na aksyunan ang aplikasyong ito sa loob ng 10 working days.
Ituturing na awtomatikong aprubado ang aplikasyon kung hindi makapagpapasya ang utility sa loob ng itinakdang panahon. Ipinagbabawal din ang mga hindi awtorisadong proseso, technical requirements, equipment specifications, at mga singilin.
Ipinagbabawal din sa mga homeowners’ association, subdivision developer, at property manager ang pagbabawal sa paglalagay ng mga naturang sistema sa mga ari-ariang pagmamay-ari o eksklusibong kontrolado ng end-user, maliban sa mga makatwirang kondisyon na may kaugnayan sa structural safety, public safety, at common property.
Inaatasan naman ang Department of Energy (DOE) na isulong ang mas malawak na paggamit ng behind-the-meter systems, alisin ang mga pambansa at lokal na administrative barrier, at pagandahin ang access sa financing, mga kwalipikadong installer, at maaasahang kagamitan.
Trending
- Kotseng hahatakin ng financing itinakas, 6 sasakyan sinagasaan
- Cancer patient, 3 pa sugatan sa salpukan ng SUV, van sa Maynila
- P700m ismagel at pekeng Sapatos, nasamsam sa Cavite
- 226 bulok, dugyot taxi at bus, huli sa LTFRB
- Vice gov. Mamba, suspendido ng 90 days sa graft
- Sen. Bato naaresto, ‘fake news’
- Marcos, Dy, pinabubura permit para sa solar panel
- ERC, pinayagang maningil ang Meralco ng P8.7-B
