Isang pulis ang inaresto ng kabaro makaraang hipuan sa puwitan ang 14-anyos na dalagita habang naglalakad sa Malabon City, Martes ng gabi.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, lasing umano ang 45-anyos na pulis na may ranggong PCMS na nakatalaga sa District Anti-Carnapping Unit (DACU) ng Manila Police District (MPD) nang mapag-tripang hipuin ang matambok na puwit ng 14-anyos na dalagita habang naglalakad pauwi sa Salmon St., Brgy., Longos dakong alas-7:30 ng gabi.

Kaagad namang nagsumbong sa kanyang pamilya ang dalagita kaya sinamahan siya ng kanyang kuya upang komprontahin ang pulis subalit, sa halip na humingi ng paumanhin, nagalit at nagbitiw pa umani ito ng mga pananakot na pananalita.

Dahil sa takot, napilitang tumakbong pauwi ang magkapatid subalit, hinabol sila ng pulis hanggang sa loob ng kanilang bahay na nagdulot ng takot sa pamilya ng dalagita.

Nang makarating naman sa kaalaman ng mga tauhan ng Malabon Police ang pangyayari ay agad silang nagresponde sa lugar sa pangunguna ng Special Weapon and Tactic (SWAT) team na nagresulta sa kanyang pagkakadakip sa suspek at  nakumpiska sa kanya ang kalibre .9mm pistol na kargado ng 20 bala sa magazine  .

Nahaharap sa mga kasong Acts of Lasciviousness in relation to RA 7610 (Child Abuse), Grave Threats, Alarms and Scandal, Violation of Domicile, at paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. (Roger Panizal)

Share.
Exit mobile version