Makapal at masangsang na likido ang nakita sa baybayin ng Barangay Sta. Clara Ilaya sa Batangas City, na pinaniniwalaang langis at nagdulot ng pangamba sa mga residente nitong Linggo, Agosto 16.
Ayon sa mga residente, matapang at nakakasuka ang amoy ng likido at may ilang nakalapit dito na nakaranas umano ng pagkahilo.
Napansin din umano nilang may lumalabas na likido mula sa isang tubong sinasabing konektado sa First Gen pier facility, habang may impormasyon na nagmula ito sa isang barko at naka-shutdown na ang operasyon ng daungan.
Gayunman, hindi pa malinaw ang eksaktong pinagmulan at uri ng naturang likido kaya agad na nagsagawa ng inspeksyon ang LGU, Philippine Coast Guard, CENRO, DRRMO at mga opisyal ng barangay.
Giit ng mga residente, kailangan munang magsagawa ng wastong sampling at laboratory testing upang matukoy kung langis o iba pang kemikal ang kumalat, pati ang posibleng pinagmulan nito.
Kasabay nito, nananawagan ang mga residente at apektadong mangingisda sa lokal na pamahalaan at mga kinauukulang ahensya na aksyunan ang problema sa basura, masamang amoy at umano’y oil contamination na nakaaapekto sa kanilang kabuhayan, lalo na ngayong matagal nang hindi makapalaot ang ilan dahil sa epekto ng habagat.

======

Share.
Exit mobile version