Isang 60-anyos na magsasaka ang naging bagong milyonaryo matapos mapanalunan ang jackpot prize na nagkakahalaga ng P25 milyon sa Super Lotto 6/49 draw noong Mayo 10, 2026.
Personal na nagtungo sa tanggapan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa Mandaluyong City ang masuwerteng mananaya kasama ang kanyang pamilya upang kunin ang premyo matapos niyang matumpak ang lumabas na kumbinasyon na 03-16-11-04-14-38.
Ibinahagi ng bagong lotto millionaire na mahigit 30 taon na siyang matiyagang tumataya sa mga laro ng PCSO.
Bilang isang magsasakang nagsasaka lamang sa lupang pagmamay-ari ng iba, sinabi niyang hindi siya nawalan ng pag-asa na balang araw ay papalarin din siyang manalo.
Ayon sa kanya, ang mga numerong kanyang tinayaan ay hango sa mga kaarawan ng kanyang pamilya.
Aniya, matagal na niyang ginagamit ang parehong kumbinasyon ng mga numero dahil naniniwala siyang ito ang magdadala sa kanya ng suwerte.
Hindi maitago ng nagwaging magsasaka ang kanyang saya at pagkabigla nang matanggap ang premyo.
“Meron pala talagang nananalo sa lotto,” aniya.
Plano niyang hatiin ang bahagi ng premyo para sa kanyang mga anak at gamitin ang natitirang halaga upang makabili ng sariling lupang sakahan upang hindi na sila mangupahan ng lupang kanilang sasakahin.

Share.
Exit mobile version