Unang isasalang sa impeachment proceedings ng House Committee on Justice sa Martes, Abril 14 ang nagpakilalang “bagman” umano ni Vice President Sara Duterte na si Ramil Madriaga.
Ito ang kinumpirma ni House committee on public accounts chairman at Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon sa magiging agenda ng mga ito sa susunod na linggo lalo na’t hindi naglabas ng temporary restraining order (TRO) ang Korte Suprema.
“Isasalang agad si Ramil Madriaga,” ani Ridon dahil binigyan lamang ito ni Manila Regional Trial Court Branch 21 Presiding Judge Alma Crispina Collado-Lacorte nang mula alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon para dumalo sa pagdinig ng justice committee.
Si Madriaga ang itinuturing ng mga mambabatas na missing link kung saan napunta ang confidential funds ni Duterte, hindi lamang sa Office of the Vice President (OVP) kundi maging sa Department of Education (DepEd) na pinamunuan nito mula 2022 hanggang 2024.
“So maisasalang agad si Ramil Madriaga to truth to his affidavit and for us to able to test his credibility,” paliwanag pa ni Ridon.
Magugunita na kinukuwestiyon ng kampo ni Duterte ang kredibilidad ni Madriaga dahil sa kinakaharap nitong kasong kidnapping na nakabinbin sa sala ni Judge Collado-Lacorte.
“Basta magsabi lang siya ng totoo,” ayon pa kay Ridon nang tanungin ng Abante/Tonite/Newsko kung ano ang aasahan ng mga ito kay Madriaga sa pagharap nito sa kauna-unahang pagkakataon sa publiko.
Unang umagaw ng atensyon si Madriaga nang maglabas ito ng affidavit noong November 9, 2025 kung saan idinetalye nito ang paghakot at pagdeliber nito ng milyong milyong pera mula sa mga security officers ni Duterte.
Bukod kay Madriaga, isasalang agad si Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na kabilang sa ipina-subpoena ng komite para dalhin sa Abril 14, 2026 impeachment proceedings ang certified copies ng mga Statement of Assets, Liabilities and Networth ni Duterte mula 2007 hanggang 2024.
Trending
- Zaldy Co wala na sa kustodiya ng Czech authorities – DOJ
- Paglabas ng pagkakakilanlan ng mga imbestigador, kinondena ng Ombudsman
- Lacson: Mga senador dapat manatiling neutral sa posibleng impeachment trial
- Meralco, binanatan sa gitna ng krisis sa enerhiya
- 2026 barangay, SK polls pinauusog ni Sen. Imee sa Oktubre 2027
- Gamit na mantika, maaaring gamitin sa paggawa ng biodiesel
- Trump ‘di masaya sa peace plan na inihain ng Iran
- Luistro: Impeachment lusot sa Bank Secrecy Law
