Hindi kakulangan sa pondo, kundi ang kawalan ng disiplina sa pagpapatupad o “execution discipline” ang pangunahing dahilan kung bakit hirap pa ring makakuha ng pautang ang mga magsasaka sa bansa.
Ito ang binigyang-diin ni Murang Kuryente Partylist Representative Arthur Yap sa ginanap na European Chamber of Commerce of the Philippines (ECCP) Sustainable Agriculture Conference nitong Abril 30, 2026.
Si Yap, na nagsilbi ring dating Agriculture Secretary, ay nagbahagi ng kanyang sentimyento base sa lawak ng kanyang karanasan sa sektor, aniya, bagamat umaabot sa mahigit ₱200 bilyon ang budget ng Department of Agriculture (DA) taon-taon at may mga batas gaya ng Agri-Agra Reform Credit Act, nananatiling mailap ang kapital para sa mga maliliit na magsasaka.
Diretsahang sinabi ni Yap na hindi kakulangan sa pera ang problema ng bansa, kundi ang maling paraan ng pagpapatupad nito. Aniya, hindi agad nakatutugon ang sistema kapag may dumating na krisis o panganib.
“Hindi mo masabi kung ano ang gagawin ng sistema kapag may problema. Hindi nakaplano nang maaga kung sino ang sasagot sa lugi, malabo ang mga panuntunan, at hindi maayos ang paniningil,”
Dahil dito, natatakot ang mga pribadong bangko na magpautang dahil hindi nila matantya ang panganib na dala ng peste, panahon, at kawalan ng maayos na sistema sa paniningil, aniya, sa halip na magpautang, mas pinipili ng mga bangko ang magbayad na lang ng multa bilang “alternative compliance.”
Iminungkahi ni Yap na gamitin ang pondo ng gobyerno bilang isang “rule-based risk facility” sa halip na ipautang ito nang direkta.
Sinabi ni Yap na sa ganitong paraan, magkakaroon ng malinaw na panuntunan kung kailan at paano sasagutin ang mga lugi, na magbibigay ng kumpiyansa sa mga pribadong bangko na magpasok ng bilyon-bilyong kapital.
“When risk is undefined, capital withdraws. When risk is discretionary, capital hesitates. When risk is rule-based, capital moves,” paliwanag ni Yap.
Binigyang-diin ni Yap na ang papel ng gobyerno ay hindi ang pasanin ang buong sistema, kundi tiyakin na ang sistema ay gumagana nang kusa at may integridad.
“This is not about reducing the role of government. It is about redefining it,” pagtatapos ni Yap.
Trending
- 4 arestado sa anti-illegal mining sa Surigao
- Ginang tinadtad ng saksak sa harapan ng anak ng kawatan
- Empleyado ng Cauayan Airport, huli sa bomb joke
- 17 ‘missing’, 45 nasagip sa lumubog ang barko ng Vietnam sa West Philippine Sea
- 4-anyos, patay; 7-anyos sugatan sa sunog sa Talisay
- 6 raliyista inaresto sa vandalism bago ang 5th SONA ni PBBM
- 3 na patay, higit 285,000 apektado kay Kiyapo
- Vico Sotto, ‘di pa rin tatakbo sa 2028
