Iginiit ni House Committee on Justice Chairperson Gerville Luistro na hindi lumabag sa anumang batas ang paglalantad ng ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) kaugnay sa umano’y kahina-hinalang transaksyon ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Mans Carpio sa impeachment hearings ng Kamara.
Ayon kay Luistro, nakasaad sa Section 2 ng Republic Act 1405 o Bank Secrecy Law na may mga eksepsiyon sa pagbubunyag ng impormasyon sa bangko, kabilang na ang “in cases of impeachment.”
Nilinaw rin niya na ang tinalakay sa pagdinig ay mga “transactions” na na-flag ng AMLC at hindi aktuwal na bank records. “We maintain the position that we did not violate any law- neither the provisions of the Bank Secrecy, nor the provisions of the Anti-Money Laundering Act,” ayon kay Luistro, na nagsabing ang impeachment ay isang mekanismo ng pananagutan.
Kasama ni Luistro sa pagdepensa sa hakbang ng komite sina Rep. Chel Diokno, Senior Deputy Minority Leader Leila de Lima, at Deputy Minority Leader Percival Cendaña, na iginiit ang kapangyarihan ng Kamara na mag-isyu ng subpoena at kumuha ng mga dokumento.
Ayon kay de Lima, “Kampante po tayo na hindi ‘yan magpo-prosper dahil wala naman po kaming linalabag na batas…. Mandato namin, karapatan namin… power ng committee to subpoena ‘yung mga dokumento na mga relevant para doon sa pag-prove ng impeachable offenses.”
Giit naman ni Diokno, “Ginagawa lang naman namin ‘yung aming tungkulin sa Committee on Justice… mayroon tayong power… to compel production of documents and witnesses.”
Dagdag pa ni Cendaña, “Ang tawag ko sa kaso na ito, mema… malinaw pa sa sikat ng araw: may exemption talaga pagdating sa impeachment cases sa coverage ng Bank Secrecy Law.”
Ipinaliwanag din ng mga mambabatas ang pagsama sa mga transaksyon ni Carpio kahit ito ay pribadong indibidwal, dahil sa prinsipyo ng communal property sa kasal sa ilalim ng batas ng Pilipinas.
“In principle, ang ibig sabihin niyan, ang pag-aari ni VP, ay pag-aari rin ng husband,” ayon kay Luistro, na nagsabing maaari itong tingnan sa imbestigasyon ng posibleng unexplained wealth.
Tinawag naman nina Diokno at de Lima na pagtatangkang ilihis ang isyu ang isinampang reklamo laban sa kanila. Ayon kay de Lima, “Harassment na naman ito, panggulo, pang-lihis ng issue,” ngunit tiniyak na magpapatuloy ang kanilang trabaho sa impeachment proceedings.
Sinabi ni Diokno na sasagot sila sa tamang forum, ngunit hindi ito dapat makaapekto sa nagpapatuloy na proseso ng impeachment sa Kamara.
Trending
- Zaldy Co wala na sa kustodiya ng Czech authorities – DOJ
- Paglabas ng pagkakakilanlan ng mga imbestigador, kinondena ng Ombudsman
- Lacson: Mga senador dapat manatiling neutral sa posibleng impeachment trial
- Meralco, binanatan sa gitna ng krisis sa enerhiya
- 2026 barangay, SK polls pinauusog ni Sen. Imee sa Oktubre 2027
- Gamit na mantika, maaaring gamitin sa paggawa ng biodiesel
- Trump ‘di masaya sa peace plan na inihain ng Iran
- Luistro: Impeachment lusot sa Bank Secrecy Law
