Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang team leader ng nag-viral na roadside enforcement operation sa Cainta, Rizal habang isinasagawa ang imbestigasyon sa mga reklamong inihain laban sa kanya.
Ayon sa LTO, may kaugnayan ito sa kumalat na video ng roadside enforcement operation sa BF Metals, Cainta noong Hulyo 25.
Nilinaw ng ahensya na inisyuhan ng Temporary Operator’s Permit ang driver sa naturang operasyon matapos hindi makapagpakita ng updated Official Receipt at Certificate of Registration, sa kabila umano ng sapat na pagkakataon upang maipresenta ang mga kinakailangang dokumento.
Gayunman, sinabi ng LTO na bilang pinuno ng enforcement team, may pananagutan ang team leader na tiyaking naaayon sa mga patakaran, pamantayan, at alituntunin ng ahensya ang buong operasyon.
Nahaharap din umano ang opisyal sa hiwalay na reklamo kaugnay ng umano’y hindi wastong pagdadala at paghawak ng government-issued firearm, pananakot, at asal na hindi naaayon sa inaasahan sa isang kawani ng gobyerno.
Binigyang-diin ni LTO Chief Markus Lacanilao na mananagot ang sinumang mapatutunayang lumabag sa batas at mga patakaran ng ahensya.
“Malinaw ang paninindigan ng LTO na walang sinuman ang nakahihigit sa batas. Kapag may mapatunayang paglabag, ipatutupad natin ang kaukulang administrative sanctions anuman ang posisyon ng isang kawani,” ani Lacanilao.
Tiniyak naman ng ahensya na ang lahat ng reklamo laban sa kanilang mga tauhan ay dumaraan sa kaukulang proseso at masusing imbestigasyon.
====
Trending
- PWD bugbog-sarado sa pang-ha-harass ng Grade 3 stude
- 3 Tsekwa, arestado sa toxic chemicals at hazardous wastes sa Caloocan
- Babaeng pasahero nahulog sa dagat sa Batangas
- Fusion Alley sa Maynila inireklamo sa baho, ingay at kalat
- LTO team leader sa viral Cainta roadside ops, sinuspinde
- Misis hiniya at sinasaktan ni mister habang naka-video
- P85 wage increase purdoy
- Utak sa pagpatay sa vlogger sa Caloocan, tukoy na
