Pinaiimbestigahan ng Land Transportation Office (LTO) ang isang Private Motor Vehicle Inspection Center (PMVIC) na nagbigay ng pasadong resulta sa inspeksyon ng isang luma at kinakalawang na light commercial truck.
Ayon sa LTO, makikita rin sa larawan na kumalat online na walang protective cover sa likuran ang truck at may nakalaylay na pintong maaaring matanggal at magdulot ng panganib sa iba pang motorista.
Naglabas ang ahensya ng show cause order sa driver at rehistradong may-ari ng naturang light commercial truck upang magpaliwanag kaugnay ng kondisyon at roadworthiness ng sasakyan.
Napag-alaman din umano ng LTO na bago ma-renew ang rehistro ng truck, sumailalim ito sa inspeksyon ng isang PMVIC at nakakuha ng pasadong resulta, na naging isa sa mga batayan sa pag-renew ng rehistro nito.
Dahil dito, nais matukoy ng ahensya kung paano at sa anong batayan ipinasa ng PMVIC ang naturang sasakyan at kung nasunod ang mga itinakdang pamantayan at proseso sa pagsusuri ng roadworthiness nito.
Inirekomenda ng LTO sa Department of Transportation (DOTr) ang pag-iisyu ng hiwalay na show cause order laban sa PMVIC at pagsangguni sa PMVIC-PETC Technical Working Group/Accreditation Committee para sa kaukulang imbestigasyon.

Share.
Exit mobile version