Nilinaw ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) na masyado pang maaga upang tukuyin ang eksaktong sanhi ng naiulat na fish kill sa bahagi ng Laguna de Bay sa Rizal at kinakailangan muna ang masusing siyentipikong pagsusuri bago maglabas ng pinal na konklusyon.
Ayon sa LLDA, kasalukuyang nakararanas ang lawa ng malawakang algal bloom na nagdudulot ng pagbabago sa kondisyon ng tubig, kabilang ang pagbaba ng dissolved oxygen na maaaring magdulot ng matinding stress sa mga aquatic life.
Batay sa paunang monitoring, karamihan sa mga naapektuhang isda ay mula sa mga fish pen at fish cage at hindi sa mga isdang malayang nabubuhay sa lawa, na nagpapakita ng posibleng localized environmental stress sa mga aquaculture area.
Sinabi rin ng ahensya na nakaaapekto sa kalidad ng tubig ang paglipat ng panahon mula tag-init patungo sa tag-ulan dahil sa biglaang pagbabago ng temperatura at lagay ng panahon.
Hindi rin isinasantabi ng LLDA ang posibleng epekto ng kamakailang water flushing activities ng Manila Water Company Inc., ngunit sinabi nitong kailangan munang matukoy ang aktuwal na dami at kalidad ng tubig na inilabas bago masabing may direktang kaugnayan ito sa fishkill.
Sa ngayon, patuloy ang pangangalap ng datos at water sampling ng LLDA upang matiyak na ang isinasagawang imbestigasyon ay patas, masusi, at nakabatay sa siyensya.
===

Share.