Napatay sa pakikipagbarilan sa mga pulis sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur noong Linggo, Agosto 23, ang isang natitirang miyembro ng nabuwag nang grupong teroristang Dawlah Islamiya na wanted sa maraming kaso ng murder, frustrated murder, trafficking ng ilegal na droga at 12 kaso ng pagnanakaw ng sasakyan.
Ayon sa mga lokal na opisyal na nakausap ng mga mamamahayag nitong Martes, kabilang ang napatay na si Rambo Guiasalim sa grupong umatake sa isang platun ng Special Action Force (SAF) ng pulisya na nagsagawa ng operasyon upang arestuhin ang Malaysian terrorist na si Zulkifli Bin Bir, alyas Marwan, noong Enero 25, 2015 sa Pidsandawan, Mamasapano, Maguindanao del Sur. Napatay sa insidenteng iyon ang 44 na tauhan ng SAF, isang insidenteng yumanig sa buong bansa.
Sinabi ng mga opisyal ng munisipyo na tumulong sa pagtukoy sa kinaroroonan ng matagal nang pinaghahanap na si Guiasalim sa Barangay Kuloy sa Shariff Aguak na balak sana siyang arestuhin nang mapayapa ng mga pulis mula sa iba’t ibang yunit ng Maguindanao del Sur Provincial Police Office.
Ngunit nanlaban umano si Guiasalim, bumunot ng .45 caliber na pistola at nagpaputok, dahilan upang mauwi sa bakbakan ang operasyon at ikinamatay niya.
Nasugatan naman sa engkuwentro ang asawa ni Guiasalim na si Marisa Bukanan-Guiasalim. Agad siyang isinugod ng mga emergency responder sa isang ospital para malapatan ng lunas.
Sinabi ni Captain Steffie Salanguit, tagapagsalita ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, na agad ding dinakip ng mga pulis ang kasama ni Guiasalim na si Tato Edzong, na wanted din sa mga mabibigat na kasong kriminal. Kusang-loob umanong sumuko si Edzong sa mga pulis matapos ang insidente.
Ayon kay Salanguit, nakumpiska kay Edzong ang isang fragmentation grenade.
Isa sa mahigit 10 kaso ng murder na dapat harapin ni Guiasalim ay ang umano’y pagkakasangkot niya sa pagpatay noong 2014 kay Alfredo Amelista, municipal administrator ng Shariff Aguak, sa isang mapangahas na pag-atake sa isa sa mga barangay ng munisipyo.
Nasangkot din umano siya sa 15 kaso ng pagnanakaw ng mga motorsiklo at sasakyan mula 2015 hanggang 2017, ayon sa mga lokal na opisyal sa iba’t ibang bayan ng Maguindanao del Sur.
Kinumpirma rin ng mga opisyal na nakipagsabwatan si Guiasalim sa mga natitirang miyembro ng ngayo’y hindi na aktibong Dawlah Islamiya sa pagpapakalat ng shabu at marijuana sa mga liblib na barangay sa lalawigan.
Makikita sa larawan ang pagpapatupad ng road security ng pulisya sa mga probinsya ng Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur sa Bangsamoro region matapos ma-neutralize ng mga pulis ang matagal nang wanted na lider ng criminal gang na si Rambo Guiasalim sa isang operasyon noong Linggo,
Trending
- Carlos Alcaraz, umusad na sa Quarter-finals ng US Open
- Pilipinas napiling maghost ng last window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers
- Janine prinsesa ni Jericho
- Ryan Bang, Max Collins grabe mukbang-an
- Awra Briguela nagulat sa pagkakahawig kay Kendra Kramer
- Water bills lolobo
- 26 estudyante nasawi sa sunog at stampede sa 2 iskul sa DR Congo
- Sarangani niyanig ng 3.9 magnitude na lindol
