Nagbigay na ng tila pamamaalam si Lea Salonga sa world tour ng “Les Misérables” matapos ang final performance ng “Les Misérables: The Arena Spectacular World Tour Singapore” noong Linggo sa Sands Theatre.
Ito na rin kasi ang huling pagtatanghal ng Tony Award-winning actress bilang Madame Thénardier sa Singapore leg ng hit musical matapos ang halos magkakasunod nilang shows sa Manila at Singapore para sa 40th anniversary celebration ng “Les Mis.”
Mas lalong umugong ang espekulasyon ng fans nang mapansing wala na ang pangalan ni Lea sa cast listing ng susunod na leg ng musical sa Dublin na gaganapin sa 3Arena mula Mayo 29 hanggang Hunyo 6.
Ayon sa mga online post tungkol sa production, sina Marina Prior at Helen Walsh na umano ang hahalili sa role ni Madame Thénardier.
Sa kabila nito, dagsa naman ang papuri kay Lea mula sa international theater fans na humanga sa kanyang performance bilang isa sa pinaka-iconic na characters ng musical.
Ang bongga nga ni Lea dahil nakumpleto na niya ang tinatawag na “Les Mis trifecta” matapos niyang magampanan ang tatlong major female roles sa musical—Eponine, Fantine, at Madame Thénardier.
Dahil dito, may mga fans pang nagbibiro na kaya na raw ni Lea ang mag-one-woman show ng “Les Misérables” dahil halos lahat ng importanteng female roles rito ay nagawa na niya.
====

Share.
Exit mobile version