Pinayuhan ni Panfilo Lacson ang kanyang mga kapwa senador na panatilihin ang pagiging patas at neutral kung sakaling umabot sa Senado ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa panayam, binigyang-diin ni Lacson na dapat iwasan ng mga senador ang pagkilos o pagsasalita na magmumukhang kampi sa prosekusyon o depensa.
“We must understand that we should not be perceived as part of the prosecution or defense panel,” ani Lacson. “We speak only if we have clarificatory questions to ask.”
Dagdag niya, ang mga senador ay dapat makinig sa parehong panig at magtala ng impormasyon upang makagawa ng tamang desisyon, ngunit hindi dapat magmukhang bahagi ng alinmang kampo.
Sinabi rin ni Lacson na nakikiramay siya kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III na posibleng mamuno sa impeachment trial dahil sa bigat ng responsibilidad.
Binanggit din niya na ang ebidensya ang magiging pangunahing basehan ng kanyang boto, at hindi iba pang konsiderasyon.
“I will be fair… I will follow whatever evidence will come out,” aniya.
Nauna rito, nagpalitan ng banat si Lacson at dating presidential legal counsel Salvador Panelo matapos banggitin ang ilang senador na umano’y posibleng bumoto para ma-convict si VP Duterte, na tinawag ni Lacson na “nonsense” at hindi dapat pangunahan ang magiging desisyon ng mga mambabatas.

Share.
Exit mobile version