Sugatan ang ilang motorista at pasahero nang araruhin ng isang sasakyang tinangay ng may-ari habang isinasagawa ang repossession operation sa Santa Rosa City, Laguna noong Martes, Agosto 4.
Ayon sa Santa Rosa City Police Station, ineskortan ng mga kinatawan ng financing company ang suspek na si alyas “Jahn” mula Dasmariñas City, Cavite habang dadalhin ang kanyang Toyota Vios nang bigla nitong tangkaing itakas ang sasakyan habang binabaybay ang MCX patungo sa direksyon ng Calamba City.
Habang nasa SLEX, nakahingi ng tulong ang mga kinatawan ng financing company sa mga SLEX patroller kaya napahinto ang sasakyan at naibalik ito sa tanggapan ng HPG sa Santa Rosa City.
Nguni’t habang iniimbestigahan sa tanggapan ng HPG, nagpaalam umano ang suspek na kukuha lamang ng gamit sa loob ng sasakyan bago ito biglang sumakay, pinaandar ang kotse, binangga ang gate at nakatakas kahit pinaputukan ng security guard ang harapang gulong ng sasakyan.
Sa kanyang pagtakas sa kahabaan ng Balibago Road, sinalpok ng suspek ang anim na sasakyan kabilang ang mga kotse, van at motorsiklo na ikinasugat ng ilang biktima na agad isinugod sa ospital.
Ayon sa Police Regional Office 4A, iniwan ng suspek ang wasak na sasakyan malapit sa Mamplasan Rotunda sa South Luzon Expressway bago tumakas.
Agad ipinag-utos ni Calabarzon Acting Regional Director PBGen. Dominic Baccay ng hot pursuit operation habang inihahanda na rin ang mga kasong isasampa laban sa suspek.
==

Share.
Exit mobile version