Tumaas ang net income ng Pag-IBIG Fund sa unang quarter ng 2026 kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Mas pinalalakas nito ang kakayahan ng ahensiya na maprotektahan ang ipon ng mga miyembro, makapagbigay ng abot-kayang housing loan at matulungan ang mas maraming manggagawang Pilipino na magkaroon ng sariling bahay.
Ayon sa Pag-IBIG Fund, lumago ng 11 porsiyento ang net income ng Pag-IBIG Fund sa unang tatlong buwan ng 2026 at umabot sa P16.772 bilyon.
Dagdag pa nito, ang paglago ng kita mula Enero hanggang Marso ay dulot ng malakas na koleksiyon at patuloy na income mula sa housing loans, short-term loans at mga investment ng ahensiya.
Malaki rin ang itinaas ng kita mula sa investment returns na umabot sa P3.033 bilyon o 51 porsiyentong mas mataas kumpara sa P2.013 bilyon noong unang quarter ng 2025.
Sinabi ni Department of Human Settlements and Urban Development Secretary Jose Ramon Aliling na pinapakita ng magandang resulta na matatag at maayos ang kalagayan ng Pag-IBIG Fund at handa itong suportahan ang layunin ni Pangulong Bongbong Marcos na mas maraming pamilyang Pilipino ang magkaroon ng maayos at abot-kayang bahay.
Dagdag pa niya, bilang pangunahing tagapagpondo ng Expanded 4PH Program, mahalaga ang papel ng Pag-IBIG Fund sa pagtulong na maisakatuparan ang mga programang pabahay ng gobyerno.
Samantala, lumago rin ang kabuuang assets ng Pag-IBIG Fund sa P1.276 trilyon noong Marso 2026 mula sa P1.234 trilyon sa pagtatapos ng 2025.
Ayon naman kay Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene Acosta, patuloy na makikinabang ang mga miyembro sa magandang performance ng ahensiya dahil hindi bababa sa 70 porsiyento ng taunang net income nito ay ibinabalik sa mga miyembro bilang dividends.
Dagdag pa niya, mananatili ang layunin ng Pag-IBIG Fund na mapalago at maprotektahan ang ipon ng mga miyembro habang nagbibigay ng abot-kayang pabahay para sa mga manggagawang Pilipino.
Trending
- DENR, iimbestigahan ang mga naiulat na earth-balling activities
- PhilHealth, healthcare provider, palalakasin ang Universal Health Care
- 3 tulak tiklo, P13.6m shabu nasamsam sa Zambo
- Salpukan ng 2 trailer trucks: 1 patay
- Bebot huli nang kumubra ng P38m corporate funds
- Tulay sa Maasim winasak ng malakas ng ulan
- Taxi na dugyot, lagot sa LTFRB
- MILF commander pinaulanan ng bala sa loob ng bahay
