Binasag ni Kim Domingo ang kanyang katahimikan matapos amining may Thai boyfriend siya sa loob ng mahigit tatlong taon kasabay ng pagputok ng mga isyung iniuugnay siya sa isang politiko.
Sa mahabang Facebook post, sinabi ng “Batang Quiapo” actress na napilitan siyang ilantad ang kanyang relasyon bilang respeto umano sa kanyang partner at pamilya nito.
“Sa loob po ng tatlong taon, nilayo ko sa mata ng publiko ang pribado kong buhay. Siguro naging lesson na din sakin ang past relationship ko na isinapubliko ko noon ngunit hindi naging maganda ang kinalabasan. Nasira ang kanya kanya naming buhay. Iskandalo dito, iskandalo doon. At yun ang iniiwasan ko ng maulit,” saad ni Kim.
Ayon pa sa aktres, madalas siyang bumiyahe sa Thailand dahil doon niya natatagpuan ang katahimikan at normal na buhay na hindi niya maranasan sa Pilipinas.
“Kahit may trabaho ako, lumilipad ako doon para makahinga. Doon ko nahanap ang peace and safety na hindi ko mahanap hanap dito sa pilipinas. Doon simpleng tao lamang ako. Hindi po ako si Kim Domingo doon,” dagdag niya.
Ikinuwento rin ni Kim na suportado siya ng kanyang boyfriend sa kanyang career at maayos umano ang kanilang relasyon hanggang sa lumabas ang mga alegasyon laban sa kanya.
“Pero dahil may lumabas na balita tungkol sakin, napilitan ako na ilabas sya bilang respeto na din sakanya at sa pamilya nya at tingin ko na dapat malaman ninyong lahat na ang current partner ko po ay isang Thai national. We’ve been together for 3 years,” paliwanag niya.
Binanggit din ng aktres ang kontrobersyal na internet personality na naglabas umano ng isyu tungkol sa kanya ngunit iginiit niyang wala siyang galit dito.
“Hindi din ako maghahangad sayo ng masama. Bagkus, hinihiling ko na magkaroon ka ng peaceful life, more blessings at more happiness pa sa buhay mo. After ng lahat ng ito, respeto pa din po ang ibabalik ko sayo,” ani Kim.
Sa kabila ng kontrobersiya, sinabi ng aktres na kontento siya dahil alam niya ang katotohanan at kasama niya ang mga taong tunay na nagmamahal sa kanya.
“Kasama ko ang pamilya ko, mga tunay kong kaibigan at ang taong pinakamamahal ko. Masayang masaya kami. We are truly blessed. Wala man kaming 400-500 million, pero masasabi ko na daig pa namin ang mga bilyonaryo sa peace of mind at grateful heart na meron kami,” pagtatapos niya.

Share.