Arestado ang itinuturong pangunahing suspek sa pananambang sa mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur na nagresulta sa pagkamatay ng limang pulis at pagkasugat ng tatlo pa noong Marso 28, 2026.
Kinilala ang suspek na si Nickson Gayak Kamangon, na kilala rin sa mga alyas na “Nixon” at “Nelson.” Siya ay nakalista bilang Top 1 Most Wanted Person sa Maguindanao del Sur at kabilang sa Top 10 Most Wanted Persons sa buong rehiyon.
Nahuli si Kamangon 5:07 ng madaling araw ng Hunyo 6 habang sumasailalim sa security screening sa General Santos City International Airport sa Barangay Tambler.
Ayon sa pulisya, isinagawa ang operasyon sa pamamagitan ng koordinasyon ng iba’t ibang yunit ng kapulisan, militar, at iba pang law enforcement agencies.
Batay sa rekord ng pulisya, si Kamangon ay pinaghihinalaang kasapi ng Daulah Islamiyah-Hassan Group (DI-HG).
Inaresto siya sa bisa ng mga warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 15 sa Shariff Aguak noong Mayo 18, 2026.
Nahaharap ang suspek sa limang bilang ng murder, tatlong bilang ng frustrated murder, at isang kasong robbery with violence against or intimidation of persons.
Walang itinakdang piyansa para sa mga kasong isinampa laban sa kanya.
Matapos ipabatid ang kanyang mga karapatan, isinailalim si Kamangon sa medical examination bago dinala sa kustodiya ng Aviation Security Unit 12.
Inaasahan naman ang kanyang paglilipat sa Shariff Aguak Municipal Police Station para sa kaukulang legal na proseso.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay ng insidente upang matukoy ang iba pang posibleng sangkot sa pananambang.
Trending
- PWD bugbog-sarado sa pang-ha-harass ng Grade 3 stude
- 3 Tsekwa, arestado sa toxic chemicals at hazardous wastes sa Caloocan
- Babaeng pasahero nahulog sa dagat sa Batangas
- Fusion Alley sa Maynila inireklamo sa baho, ingay at kalat
- LTO team leader sa viral Cainta roadside ops, sinuspinde
- Misis hiniya at sinasaktan ni mister habang naka-video
- P85 wage increase purdoy
- Utak sa pagpatay sa vlogger sa Caloocan, tukoy na
