Sumuko ang 32-anyos na lalaki nang saksakin ang 19-anyos na bayaw dahil sa alitan tungkol sa hindi nabayarang utang sa San Fernando, Bukidnon noong Biyernes ng gabi.
Nangyari ang insidente 6:30 ng gabi sa Sitio Kauswagan, Barangay Little Baguio.
Ayon sa imbestigasyon, pinuntahan ng biktima ang bahay ng suspek upang komprontahin ito tungkol sa naging pagtatalo nila noong nakaraang araw kaugnay ng utang sa kanilang pinagtatrabahuhan.
Habang nagtatalo, umano’y nilapitan ng suspek ang biktima mula sa likuran at sinaksak ito ng isang beses sa kaliwang bahagi ng baywang gamit ang jungle knife.
Matapos ang insidente, tumakas ang suspek dala ang patalim. Dinala naman ang biktima sa Bukidnon Provincial Hospital sa San Fernando upang malapatan ng lunas.
Sa report, 11:50 ng gabi, sumuko ang suspek sa San Fernando Municipal Police Station at isinuko rin ang jungle knife na ginamit sa pananaksak.
Kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng pulisya habang inihahanda ang kaukulang kasong kriminal laban sa kanya.

Share.
Exit mobile version