Arestado ang 54-anyos na lalaki nang gumamit ng magkakaibang pangalan at dokumento sa pagkuha ng financial assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Parañaque City.
Sa report na tinanggap ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief PBGen. Christopher Abrahano, nadiskubre ng isang social worker ang hindi tugmang impormasyon sa mga ID, medical certificate at iba pang dokumentong isinumite ng suspek nang mag-aplay ito ng ayuda sa DSWD Baclaran Satellite Office 4:20 ng hapon noong Setyembre 9.
Nang beripikahin sa database ng DSWD, lumitaw umano na iba-iba ang pangalan sa mga dokumentong dala ng lalaki. Dahil dito, humingi ng tulong ang social worker sa mga tauhan ng Baclaran Police Sub-Station at dinala sa himpilan ang suspek para sa imbestigasyon.
Inihahanda ang kasong attempted estafa at paglabag sa Article 178 ng Revised Penal Code o paggamit ng kathang pangalan at pagtatago ng tunay na pagkakakilanlan. Nakatakdang isailalim sa inquest proceedings ang suspek sa Parañaque City Prosecutor’s Office.
Ani Abrahano, ang pagkakaaresto ay bahagi ng pinaigting na operasyon laban sa panloloko sa mga programa ng pamahalaan. Aniya, dapat mapunta ang ayuda sa mga tunay na nangangailangan at hindi sa mga gumagamit ng panlilinlang upang makinabang sa mga programa ng gobyerno.
====
Trending
- Carlos Alcaraz, umusad na sa Quarter-finals ng US Open
- Pilipinas napiling maghost ng last window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers
- Janine prinsesa ni Jericho
- Ryan Bang, Max Collins grabe mukbang-an
- Awra Briguela nagulat sa pagkakahawig kay Kendra Kramer
- Water bills lolobo
- 26 estudyante nasawi sa sunog at stampede sa 2 iskul sa DR Congo
- Sarangani niyanig ng 3.9 magnitude na lindol
