Maaari nang makinabang ang mga sanggol na kulang o walang access sa gatas ng ina sa kauna-unahang hospital-based human milk hub sa Quezon, na binuksan sa Quezon Province Hospital Network–Quezon Medical Center (QPHN-QMC) sa Lucena City.
Layunin ng pasilidad na makapagbigay ng breastmilk sa mga sanggol na nangangailangan nito, kabilang ang mga sanggol na may karamdaman at mga ina na pansamantalang hindi makapagpasuso dahil sa kanilang kondisyon.
Maaari ring mag-donate ng sobrang breastmilk ang mga nagpapasusong ina, ngunit daraan muna sa screening upang matiyak na ligtas at kwalipikado silang magbigay ng gatas.
Iipunin sa Human Milk Hub ang mga donasyong gatas bago dalhin sa partner Human Milk Bank sa Batangas Medical Center para sa masusing proseso ng pasteurization at safety testing.
Kapag ligtas na para gamitin, ibabalik ang naprosesong breastmilk sa QPHN-QMC upang maipamahagi sa mga sanggol na nangangailangan, habang tinatayang 7,000 pasyente ang tinatanggap ng ospital, kabilang ang mga sanggol.
Umaasa naman ang ospital na sa mga susunod na buwan ay ma-upgrade ang pasilidad bilang Human Milk Bank para mas mapalawak ang access ng mga sanggol sa ligtas at sapat na gatas ng ina.
