Humiling sa Sandiganbayan ang isang co-accused ni dating Cong. Zaldy Co na mailagay sa house arrest matapos siyang ma-stroke at makaranas ng pagkaparalisa.

Si Juliet Calvo, dating maintenance division chief ng DPWH Region IV-B, ay nahaharap sa kasong malversation kasama ang walo pang akusado sa Sandiganbayan.

Nitong Miyerkoles, Setyembre 2, nagsagawa ang Sandiganbayan Sixth Division ng pagdinig kaugnay sa mga mosyon ni Calvo para sa patuloy na hospital confinement at posibleng house arrest.

Matapos ang pagdinig, sinabi ni Associate Justice Lord Villanueva na isusumite na para sa resolusyon ang mga mosyon ni Calvo.

Ayon sa abogado ni Calvo na si Edwin Labro, nakaranas ng stroke ang kanyang kliyente noong Agosto 5, na nagresulta sa total paralysis.

Noong Agosto 13, iniharap ni Labro sa korte si Dr. Anthony Lontoc, na nagbigay ng testimonya sa pamamagitan ng teleconferencing upang ipaliwanag ang kalagayan ni Calvo.

Sa ngayon, nananatili si Calvo sa isang pribadong ospital. Hindi naman tumutol ang mga prosecutor sa pagpapatuloy ng kanyang confinement sa ospital.

Ang kaso ay nag-ugat sa kuwestiyonableng P289.4 milyong road dike project sa Naujan, Oriental Mindoro, na itinayo ng Sunwest.

Share.
Exit mobile version