Hayagang kinumpirma ng dating Kapuso actress na si Iwa Moto na isa ang Kapamilya star na si Jodi Sta. Maria sa mga magiging bridesmaid sa kasal niya, at ng dati nitong asawang si Pampi Lacson, anak ni Sen. Panfilo Lacson.
Sa panayam ni Boy Abunda kay Iwa sa programang “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Lunes, Hunyo 8, ibinunyag ng dating aktres na kabilang si Jodi sa mga magiging bridesmaid sa nalalapit nilang kasal ni Pampi.
Para sa mga hindi nakakaalam, noon ay talagang hindi in good terms sina Jodi at Iwa dahil nga sa pagkakaroon ng relasyon ni Iwa kay Pampi, sa mga panahong bago pa lang ang hiwalayan ng mga ito.
Pero paglilinaw ni Iwa, hindi siya ang dahilan ng break-up ng dalawa.
“Noong dumating ako sa buhay ni Pampi, wala na talaga sila. Noong dumating ako, kaya din siguro hindi naging mahirap yung transition namin to become friends, maybe because I’m not the reason why they broke up.”
Gayunman, unti-unti umanong nabuo ang kanilang pagkakaibigan sa paglipas ng mga taon.
Ani Iwa, lumalim ang kanilang samahan hanggang sa maituring niya si Jodi bilang isa sa kanyang pinakamalalapit na kaibigan.
Sa katunayan, si Jodi pa nga raw ang unang nakaalam na nag-propose na si Pampi sa kaniya. Masayang-masaya naman daw si Jodi para sa kanilang dalawa.
At dahil isa si Jodi sa mga itinuturing niyang best friends, ipinasya niyang isama ito sa entourage bilang bridesmaid.
Nagpakasal sina Jodi at Pampi noong 2005 at naghiwalay noong 2011. Mayroon silang isang anak na lalaki, si Thirdy, na ipinanganak din noong 2005.
Samantala, mahigit 14 na taon nang magkasintahan sina Iwa at Pampi. Mayroon silang dalawang anak na sina Hiromi at Caleb.
Madalas ding ibinabahagi nina Jodi at Iwa sa social media ang mga larawan ng kanilang blended family. Kapansin-pansin din ang kanilang palitan ng komento at suporta sa isa’t isa sa iba’t ibang pagkakataon.
Noong 2024, nang tuluyang mapawalang-bisa ang kasal nina Jodi at Pampi, isa si Iwa sa mga nagpahayag ng suporta para sa aktres.
Sa kasalukuyan, ang karelasyon ni Jodi ay si Raymart Santiago, na ex-husband naman ni Optimum Star Claudine Barretto.
Dahil dito, marami ang humanga sa magandang samahan ng dalawang babae na piniling pairalin ang respeto, pagkakaibigan, at pagmamahal para sa kanilang pamilya sa kabila ng kanilang magkakaugnay na nakaraan.
Trending
- Lolang magre-relax sa mall, kulong sa bomb joke
- SUV driver sa SLEX hit-and-run sumuko na – HPG
- 2 minor nasagip sa online sexual exploitation ng ina
- 12K personnel ipinakalat sa Metro Manila para sa Araw ng Kalayaan – PNP
- PNP, NBI, CIDG pasok na imbestigasyon sa pagkalunod ng 2 Ateneo cager
- P86.7m inabandonang pulang sibuyas nasamsam sa MICP
- 45 na nasawi sa lindol sa Mindanao
- 2 DPWH opisyal sangkot sa maanomalyang flood control project, tukoy na kinaroroonan
