Libreng grocery ang ipinasorpresa ni Ivana Alawi sa ilang lucky shoppers matapos niyang akuin ang bayad sa kanilang mga pinamili at gumastos ng halos P500,000.

Sa kanyang bagong vlog, nagtungo ang actress-content creator kasama ang kapatid na si Hash sa isang malaking supermarket para sa kanyang planong mamili ng maraming grocery items at ipamahagi ang mga ito sa ibang tao.

Pero bago ang bonggang shopping spree, nagkunwaring cashier muna si Ivana. Naka-mask siya habang nagsisilbi sa counter kaya hindi siya agad nakilala ng mga customers.

Laking gulat naman ng mga namimili nang oras na para magbayad dahil nalaman nilang libre na ang kanilang groceries. Si Ivana mismo ang sumagot sa kabuuang halaga ng kanilang mga pinamili.

Hindi lang customers sa loob ang nabiyayaan. Tinawag din ni Ivana ang ilang taong nasa labas ng supermarket at pinapili sila ng kahit anong gusto nilang i-grocery na siya rin ang magbabayad.

May pa-cash pa ang aktres dahil binigyan niya ang ilan ng tig-P1,000, bukod pa sa karagdagang halaga na maaari nilang makuha kapag nasagot nila nang tama ang kanyang mga tanong.

Pati ang buong team ni Ivana ay hindi nakaligtas sa kanyang libre spree dahil hinayaan din niya silang mamili ng mga gusto nilang kunin sa supermarket.

Sa dami ng kanyang binayaran at ipinamahagi, unti-unting nabawasan ang mga paninda sa shelves.

Pati ang mga produktong nasa stockroom ay ipinakuha ni Ivana upang maisama sa kanyang bibilhin.

Kalahating milyong piso ang inilaan niyang budget para sa kanyang libreng grocery challenge at halos eksakto niya itong naubos. Umabot sa P499,835 ang kanyang kabuuang bill.

Hindi naman napunta sa kanila ang lahat ng natirang groceries. Iniuwi ng grupo ang ilan sa mga ito para i-repack at ipamahagi rin sa iba pang nangangailangan.

Masayang-masaya naman si Ivana habang ginagawa ang kanyang pa-libreng grocery.

Para sa actress-content creator, paraan niya ito para maibalik sa ibang tao ang blessings na natatanggap niya mula sa suportang ibinibigay ng publiko sa pamamagitan ng panonood ng kanyang videos.
=====

Share.