Arestado ang isang Iranian national nang magbenta ng pekeng ginto na tinatayang nagkakahalaga ng P18.66 milyon sa Makati City noong Biyernes ng gabi, Mayo 15.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), nangyari ang insidente sa loob ng isang hotel sa lungsod kung saan nakipagtransaksyon ang suspek sa ilang indibidwal para sa bentahan ng 60 piraso ng umano’y gold bars.
Gayunman, lumabas sa beripikasyon ng mga buyer na peke ang mga gold bar at maging ang certificate of authenticity ng mga ito, kaya agad silang humingi ng tulong sa pulisya.
Nagkaroon umano ng tensyon sa lugar nang komprontahin ang suspek, na agad na nagresulta sa pagresponde ng mga awtoridad at pag-aresto sa kanya.
Narekober sa operasyon ang mga hinihinalang pekeng gold bar, falsified certificates, isang 9mm na baril na may magazine at bala, at isang cellphone.
Patuloy ang imbestigasyon sa kaso habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa suspek.
Pinuri ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang mabilis na aksyon ng mga operatiba.
“Pinaaalalahanan natin ang ating mga kababayan na maging mapanuri sa anumang transaksyon, lalo na kung malaking halaga ang nakasalalay dito. Mabilis na rumesponde ang ating kapulisan upang matiyak ang kaligtasan ng mga involved at maayos na maiproseso ang insidente ayon sa batas,” ani Nartatez.

Share.