Arestado ng mga operatiba ang isang lalaki matapos maaktuhan sa pagbebenta ng ilegal na baril sa isinagawang entrapment operation sa Baliwag City, Bulacan kamakalawa ng gabi.

Batay sa ulat ni PLt. Colonel Jayson F. San Pedro, hepe ng Baliwag CPS, kinilala ang suspek na si Alyas Bobot, 41 anyos, vendor at residente ng Brgy. Poblacion, Baliwag City.

Napag-alaman sa imbestigasyon na nakatanggap ng impormasyon ang Baliwag CPS dakong alas-11:00 ng gabi hinggil sa pagbebenta ng loose firearm ng nasabing suspek.

Agad na ikinasa ng mga operatiba ang entrapment operation at naaresto ang suspek matapos nitong ibenta sa isang undercover operative ang isang caliber .38 revolver na walang serial number na kargado ng apat na bala, kapalit ng marked money na nagkakahalaga ng Php 1,500.00.

Dinala ang nakumpiskang ebidensya sa Baliwag CPS para sa wastong dokumentasyon habang inihahanda ang kasong kriminal laban sa suspek para sa paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act na isasampa sa tanggapan ng City Prosecutor.

Nasa kustodiya na ng Baliwag CPS ang suspek habang ang nakumpiskang baril ay isasailalim sa firearms identification at ballistic examination sa Bulacan Provincial Forensic Unit.

Ayon sa pahayag ni Police Colonel Angel Garcillano, provincial director ng Bulacan PPO, ang agarang pag-aresto sa suspek ay bunga ng maagap na impormasyon at mabilis na pagtugon ng kapulisan alinsunod sa direktiba ng Acting Chief PNP, PLt.General Jose Melencio C. Nartatez Jr. (Dell Gravador)

Share.
Exit mobile version