BUONG  suporta ang ibinigay ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia sa Armed Forces of the Philippines (AFP) matapos nitong mariing pabulaanan ang mga kumakalat na tsismis tungkol sa umano’y umuugong na destabilisasyon at kudeta laban sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

 “Walang katotohanan ang mga kuwento ng kudeta,” sabi ni Goitia.

“Malinaw ang pahayag ng AFP. Tapat sila sa kanilang sinumpaan sa ilalim ng Konstitusyon, tapat sila sa kanilang Commander-in-Chief, at tapat sila sa sambayanang Pilipino. Walang anumang haka-hakang tsismis na makakasira sa katapatan ng ating mga sundalo.”

Kamakailan ay nagbabala ang AFP na “hindi nila ito palalampasin” matapos kumalat sa online ang mga maling balita tungkol sa kudeta. Mariin nila itong itinanggi at tinawag na isang moro-moro o gawa-gawang tsismis para lamang maghasik ng kawalan ng tiwala sa gobyerno. Lubos na sinang-ayunan ito ni Goitia at tinawag itong klasikong taktika ng pagpapakalat ng maling impormasyon na may layong hatiin ang bansa.

“Hindi mga makabayang Pilipino ang nagpapakalat ng mga ganitong usap-usapan. Ang nais nila ay maghasik ng kaguluhan. Handang isugal ang katatagan ng bayan habang ang karaniwang Pilipino ay nagsisikap para may maipakain sa kani-kanilang pamilya. Ito ay malinaw na propaganda ng simpleng paninira at sabotahe.”

 Giniit ni Goitia na ang tunay na kalaban ay hindi ang mga gawa-gawang kudeta kundi ang korapsyon.

 “Harapin natin ang katotohanan na ang pinakamahalagang laban ay ang laban sa korapsyon. Dito nagdurusa ang bayan, dito naghihirap ang sambayanang Pilipino. Ito rin ang laban na pinili ng administrasyong Marcos, kaya’t may mga gustong tuluyang iligaw ang taumbayan gamit ang mga tsismis ng destabilisasyon. Nagkukubli sila sa sarili nilang anino para maitago ang tunay na sugat ng lipunan.”

Lubos na pinahalagahan ni Goitia ang ipinapakitang propesyonalismo ng AFP sabay pahayag na, “Wala na tayo sa panahon ng mga kudeta. Alam ng ating mga sundalo ang kanilang tungkulin: ito ay ipagtanggol ang Republika ng Pilipinas at hindi upang wasakin. Dito ay nagkakaisa ang militar at doon nagmumula ang tunay na lakas ng bayan.”

Ayon kay Goitia, malinaw ang mensahe: nagkakaisa ang pamahalaan at ang militar, at dito sumasandig ang taumbayan. “Sa bawat tsismis na ating binabasag upang ilantad ang katotohanan at sa bawat kasinungalingang nabubunyag, mas tumitibay ang ating demokrasya. Itinataas ni Pangulong Marcos ang bansa sa tamang landas ng pagbangon. Kaya’t ang mga nagtatangkang humadlang dito ay hindi lang kalaban ng Pangulo, kundi kalaban ng buong sambayanang Pilipino.”

Idinugtong pa niya: “Simple lang ang katotohanan. Tapat ang AFP. Matatag ang ating mga institusyon at nasa likod ni Pangulong Marcos ang sambayanang Pilipino. Kaya’t hindi matitinag ang Republika.”

Si Dr. Jose Antonio Goitia ay kinikilala bilang Chairman Emeritus ng apat na makabayan at sibikong organisasyon: ang Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement.

 

Share.
Exit mobile version