Timbog ang isa sa dalawang kawatan na lumimas sa halos lahat ng gamit ng kanilang kapitbahay na lingguhan lang kung umuwi sa kanilang bahay sa Malabon City, Huwebes ng madaling araw.

Ala-1 ng madaling araw nang matuklasan ng biktimang si alyas “Anne”, 42, na nasimot na ang halos lahat ng gamit sa kanyang bahay sa Aracity St. Brgy. Tinajeros nang umuwi siya mula sa inuupahang tirahan sa Paranaque City kung saan siya nagta-trabaho.

Humingi ng tulong si ‘Anne’ sa mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Kenneth Mission nang madiskubre na wala na ang kanyang mga alahas, damit, sapatos, bag, television, welding machine, tangke ng LPG, mga kasirola, stainless na shower at gripo, tsinelas, at maging mga switch ng ilaw, light décors, na may tinatayang kabuuang halagang P196,750.00.

Nang rebisahin nina P/MSg. Diego Ngipol, MSg. Ernie Baroy, at P/SSg. John Francisco ang mga kuha ng CCTV sa lugar, katuwang ang testigong si alyas “Rose” na kapitbahay din ng biktima, nakilala ang dalawang suspek na kanila ring kapitbahay habang inilalabas ang mga ninenok na gamit ng biktima.

Nagtungo sa bahay ng mga suspek sa Aracity St. sina P/SSg Denes Dela Cruz at Pat. Leonardo Reylana, kasama ang iba pang tauhan ng Malabon SS2, na nagresulta sa pagkakadakip kay alyas “Ferdinand”, 57, habang nakatakas naman ang kasamang si alyas “Bryan”, 30.

Nabawi sa kanya ang P8,000 na halaga ng relos, dalawang shower heater, light décor, at electric kettle na may kabuuang halagang P30,250.00 habang tinutugis pa si alyas Bryan para hanapin ang iba pang hindi pa nababawing gamit ng biktima.(Roger Panizal)

 

Share.