Basura ang isa sa pangunahing dahilan ng pagkasira ng mga pumping station na ginagamit laban sa pagbaha sa Maynila, ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon.
Ininspeksyon ni Dizon nitong Agosto 19 ang Remedios Pumping Station sa Roxas Boulevard, kung saan nagsagawa rin ng paglilinis at paghakot ng mga basurang nakabara malapit sa pasilidad.
Ayon kay Dizon, hindi lamang tubig ang nahihigop ng mga pump kundi maging malalaking basura na maaaring makasira sa kagamitan.
“Bakit kailangan ng apat? Kasi laging nasisira ‘yong mga pump dahil pinapasok ng basura,” ani Dizon.
Dahil dito, iniutos ng kalihim na magkaroon ng tig-apat na pump sa mga pangunahing pasilidad—dalawang main unit at dalawang backup—upang may magamit agad sakaling masira ang isa sa mga makina.
Kabilang ang Remedios sa mga pumping station sa kahabaan ng Roxas Boulevard na tumutulong sa pagpapalabas ng tubig-baha patungong Manila Bay. Nauna nang naiulat na ilang pumping facilities sa Maynila ang nasira rin dahil sa naipong basura.
Bukod sa pagkukumpuni at pagpapalakas ng pumping stations, nakatakda ring magtayo ang DPWH ng **underground detention basin sa Plaza Rajah Sulayman sa harap ng Malate Church** na kayang mag-imbak ng tinatayang tatlong milyong litro ng tubig.
Ayon kay Dizon, pansamantalang iipunin sa pasilidad ang sobrang tubig bago ito ilabas patungong Manila Bay. Target simulan ang konstruksyon kapag humupa ang malalakas na pag-ulan, habang inaasahang aabutin ng apat hanggang anim na buwan ang proyekto.
Iniutos din ng DPWH ang redesign ng drainage inlets sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila upang palakihin ang pasukan ng tubig at mabawasan ang pagbabara ng basura na nakaaantala sa drainage system.
Samantala, nanawagan ng disiplina sa pagtatapon ng basura si Navotas City Rep. Toby Tiangco nang masira ang isa na namang pumping station sa lungsod dahil sa napakaraming basurang bumara dito.
Ayon kay Tiangco, nabarahan at nasira ang Bacog Pumping Station dahil sa dami ng basurang napunta sa pasilidad, sa kabila ng paulit-ulit na paalala na mahalaga ang maayos na operasyon ng mga pumping station upang maiwasan ang pagbaha.
Naantala rin aniya ang operasyon ng Bangkulasi Pumping Station nang kailanganing linisin ito dahil sa mga basurang bumara sa pasilidad.
Dahil hindi agad nakapag-pump ang Bangkulasi Pumping Station, nagkaroon ng tubig sa Babanse habang hindi pa ito napapagana.
Hinimok ni Tiangco ang publiko na maging responsable naman sa pagtatapon ng basura dahil ang kawalan ng disiplina ay maaaring makaapekto sa operasyon ng lahat ng pumping station at magdulot ng perwisyo sa buong komunidad, maging karatig na mga lugar.

Share.
Exit mobile version