Naglabas na ng opisyal na pahayag ang Iglesia Ni Cristo kaugnay ng nagaganap na malaking rally sa EDSA, Freedom Park, at Liwasang Bonifacio.
Tinatayang umabot sa 7,000 katao ang dumalo sa pagtitipon 6:45 ng umaga, ayon kay Quezon City Police District (QCPD) spokesperson Maj. Jennifer Gannaban.
Marami sa mga kalahok ang nakitang suot ang t-shirt mula sa National Rally for Peace ng Iglesia ni Cristo (INC) noong Enero 2025 at sa Rally for Transparency and Accountability noong Nobyembre 2025.
Ginawa ang pahayag ng tagapagsalita ng INC na si Kapatid na Edwil Zabala sa Net 25, kung saan nilinaw niya na hindi tutol ang INC sa pagpapatupad ng batas, pero tutol sila sa pagbaluktot sa batas, lalo na kung ang layunin para pagtakpan ang katiwalian.”
Nitong Lunes, Hunyo 29, 2026, naglabas ng kumpirmasyon si Ombudsman Crispin Remulla sa pagsasampa ng kaso nitong linggong ito laban kay Senador Rodante Marcoleta dahil sa kasong plunder kaugnay ng tinanggap nitong campaign donation.
“Ang ikinakaso kay Senator Marcoleta ay plunder, na isang non-bailable crime. Samakatuwid, ipakukulong siya at hindi puwedeng magpiyansa hangga’t hindi natatapos ang paglilitis sa kaniya. Sa madaling salita ay hindi na niya maitutuloy ang paglalantad o pag-e-expose sa mga sangkot sa pandarambong na naganap.”
Nguni’t kinuwestyon din ng INC ang kasong plunder, gayong wala namang nasasangkot na pondo ng bayan sa usaping ito.
“Pero paanong naging plunder ang pagtanggap ng campaign donation o contribution, gayong hindi naman ito galing sa kabang-yaman ng Pilipinas? Ang tinanggap niyang donation ay mula sa mga sumuporta sa kaniyang pagkandidato bilang senador.”
Tinukoy pa rin ng spokesperson na si Marcoleta ang nagpasimula ng imbestigasyon sa flood control anomaly at, kahit aniya ay naalis na ito bilang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, ay itinuloy pa rin ng senador ang paghahanap sa katotohanan.
“Gaya ng alam ng marami na si Senador Rodante Marcoleta ay nanguna sa pag-iimbestiga sa isa sa pinakamalaking pandarambong na naganap sa ating kasaysayan. Sinimulan niya ito nang siya pa ang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee. Subalit pinalitan ang liderato ng komiteng ito. Gayunpaman, itinuloy niya ang paghahanap ng hustisya para sa atin na mga mamamayan. Ang ipinagtataka namin ay kung bakit siya, na nagsusulong sa pag-e-expose ng mga sangkot sa napakalaking pagnanakaw sa Pilipinas, ang kakasuhan at ipakukulong sa halip na ang mga na-expose.”
Nauna rito ay naglabas na rin ng desisyon ang Commission on Elections (COMELEC) na walang katiwalian o iregularidad sa pagtanggap ni Marcoleta ng campaign donation.
“At mismo ang COMELEC ay naglabas ng desisyon na walang krimen na naganap sa pagtanggap niya ng campaign donation.”
Sinabi pa ni Zabala na, “Sinusuportahan ng Iglesia ni Cristo ang itinataguyod ni Senator Marcoleta dahil ito rin ang posisyon namin. Nananawagan kami para sa transparency, accountability, justice, and peace.”
Sa huli, nananawagan ang tagapagsalita ng INC na magpapatuloy ito sa paghahanap ng katarungan na matagal nang isinisigaw ng mga Pilipino.
“Kahit ipakulong nila si Senator Marcoleta, hindi kami titigil sa paghingi ng katarungan para sa mga kababayan natin na ninakawan. Gusto naming ipaalam sa kanila na isang injustice ang selective justice at hindi kami mananahimik sa harap nitong napakalaking pagyurak sa katarungan na hinihingi ng ating mga kababayan,” sinabi pa ni Zabala.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang pagdagsa ng mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo at iba’t-ibang grupo na sumusuporta sa pagkilos upang matukoy ang mastermind ng mga iregularidad sa flood control sa EDSA at Liwasang Bonifacio, na nagsimulang magdatingan kaninang madaling-araw.
Trending
- P1.3-m Ismagel yosi nasamsam sa Sarangani
- Pekeng water delivery boy nagnakaw sa faculty room
- ASEAN police, bubuo ng task force vs online scam
- Ginang huli sa pagpapakalat ng bomb threat sa iskul
- Bahay ni Torre sa Davao pinasok ng baha
- P2.5m iligal na mantika nasamsam sa Batangas
- Babaeng manager patay sa ambush
- Patrolman, arestado sa panggagahasa ng 14-anyos
