Nanganganib na matigil na ang operasyon ng Edsa bus carousel matapos itong bokyahin sa pondo sa susunod na taon.

Dahil dito, umapela si Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez sa House committee on appropriation na pondohan ito upang maipatuloy ang pagtulong sa mga commuters.

“Last year wala rin po binigay sa NEP (National Expenditure Program) namin ang service contracting ng EDSA Bus Carousel,” ani Lopez, subalit binigyan umano sila ng Kongreso ng P88.7 million.

Ginawa ni Lopez ang pahayag matapos punahin ni Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña ang zero budget sa NCR Busway, service contracting fuel subsidies, sa budget ng nasabing ahensya sa taong 2027.

Sinabi ng mambabatas na mula 2024 hanggang 2025 ay 60 milyong commuters aniya ang nakinabang sa nasabing programa subalit nangangamba ito na matitigil ito kung hindi bibigyan ng karagdagang pondo ang DOTr.

“The national budget is the ultimate expression of the President’s priorities and commitments. Kapag malaki ang budget sa isang programa, mataas ang priority. Kapag walang budget, hindi ka priority. Pinapakita lang nitong zero budget na hindi priority ang milyon-milyong commuters at ang libu-libong tsuper at transport workers,” ani Cendaña.

Nangangamba ang mambabatas na lalong mahihirapan ang mga ordinaryong commuters kapag hindi nabigyan ng pondo ang nasabing programa dahil mangangahulugan ito ng dagdag na gastos sa kanila araw-araw.

“Nakakainis isipin na ’yung mga programang nagdadala ng kahit kaunting ginhawa sa ating mga kababayan pa ang pinagdiskitahan at tinanggalan ng pondo. The NCR/EDSA Busway has provided millions of commuters with a faster and more reliable way to get to work, school, and home,” dagdag pa ng mambabatas.
=====
Share.
Exit mobile version