Kung merong nangungunang ahensya sa gobyerno na pinakamalala sa contractualization ay ang Department of Public Works and Highway (DPWH), Department of Health (DOH), Department of Education (DepEd, Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Ito ang lumabas sa pagdinig ng House committee on appropriations sa P4.04 bilyong budget ng Civil Service Commission (CSC) sa susunod na taon na mas mataas ng P1.145 bilyon sa kasalukuyan nilang pondo ngayong 2026, na ikinagalit ni Kamanggagawa party-list Rep. Eli San Fernando.

“Kung nasa pribadong sektor lang tayo, numero unong violator ang gobyerno ng Labor Code. Napakaraming job order at contract of service na nagtatrabaho nang mahigit 6 na taon, ginagampanan ang pareho at regular na trabaho nang paulit-ulit,” ani San Fernando.

Sa interpelasyon ni San Fernando, inamin ni CSC Commissioner Ryan Acosto na ang DPWH ay may 44,870 job order na sinundan ng DOH na may 35,183 samantalang ang DepEd ay may may 35, 014 empleyado na hindi regular.

Umaabot naman sa 23,819 ang job order employees sa DSWD habang nasa 12,840 naman sa DENR kung saan ayon kay San Fernando ay marami sa mga empleyadong ito ay mahigit anim na taon nang nagtatrabaho sa mga nabanggit na ahensya ng gobyerno.

“Ito ay malinaw na state-sponsored contractualization—nagiging lusot ang mga butas sa sistema para panatilihing perpetually contractual ang mga manggagawang dapat ay matagal nang regular,” ani San Fernando.

Base sa mga report, mahigit dalawang milyon ang empleyado ng gobyerno kung saan 919,868 sa mga ito ay Job Order (JO) at Contract of Service (COS).

“Hindi pwedeng ang gobyerno mismo ang nangunguna sa panggigipit at pagkakait ng kasiguruhan sa trabaho sa sarili nitong mga kawani. Obligasyon ng estado na maging huwarang employer. It must serve as a good example for private companies,” ani San Fernando kasabay ng pahayag na patuloy umano nilang lalabanan ito.

Share.
Exit mobile version