Nilinaw ng Department of Health (DOH) nitong Sabado, Mayo 23, na wala pang kaso ng Ebola sa Pilipinas at mababa ang panganib dito sa bansa.
Sinabi ni DOH spokesperson Usec. Albert Domingo na walang dahilan para mag-panic ang mga Pilipino kahit may outbreak ng Ebola sa Democratic Republic of the Congo at Uganda.
“Sa ngayon ang panahon natin ay low risk… lalo malayo tayo sa West Africa kung nasaan ang Democratic Republic of the Congo,” dagdag niya.
Ayon pa kay Domingo, hindi rin inirekomenda ng World Health Organization (WHO) ang travel ban at wala ring ipapatupad ang Pilipinas.
Sa kabila nito, magpapatupad ang Bureau of Quarantine ng mahigpit na screening para sa mga pasaherong galing sa Democratic Republic of Congo at Uganda, ayon kay Domingo. Ito’y alinsunod sa utos ni DOH Secretary Ted Herbosa.
Idineklara ng WHO na public health emergency of international concern ang outbreak ng Bundibugyo strain ng Ebola sa dalawang bansa.
Bagamat hindi ito itinuturing na pandemic emergency, mataas ang panganib sa mga bansang may hangganan sa Congo.
Itinaas na ng WHO sa “very high” ang panganib na maging national outbreak ito sa Congo. Aabot na sa 700 ang suspected cases batay sa datos ng WHO.
Nilinaw ni Domingo na hindi airborne ang Ebola tulad ng COVID-19.
Ayon sa DOH, pinag-aaralan pa ng mga eksperto ng WHO kung ano ang maaaring gamitin laban sa Bundibugyo, tulad ng remdesivir na ginamit noon sa COVID-19.
Pinayuhan din ni Domingo ang publiko na palakasin ang immune system sa pamamagitan ng tamang pagkain, ehersisyo, at disiplina sa katawan.
Trending
- PNP: Proteksyon sa pamilya ng missing sabungeros, paiigtingin
- Karagdagang 20 GW target ng DOE para maabot 2040 renewables goal
- DOH nilinaw, wala pang kaso ng Ebola sa bansa
- Hirit na P200 dagdag-sahod sa NCR, ‘di luho
- Pagtigil sa pagpapatupad ng bagong SHS curriculum, hiling ng mga guro sa SC
- Mga sundalo karapat-dapat sa mas maayos na access sa healthcare services
- House prosecution naghahanda na vs fake news
- Pinas, maaari nang mag-angkat ng Belgian poultry

