Sinabi ng Department of Finance (DOF) nitong Martes na hindi magbibigay ng makabuluhang ginhawa sa publiko ang pagsuspinde sa excise tax ng gasolina at diesel sa kabila ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis nitong mga nakaraang linggo.
Ayon kay Finance Secretary Frederick Go, batay sa pagtaya ng Development Budget Coordination Committee (DBCC), malabong makapagbigay ng malaking bawas sa presyo ng produktong petrolyo ang pagsuspinde sa excise tax sa diesel at gasolina dahil ang anumang bawas sa retail pump prices ay magiging “marginal and largely offset by prevailing market dynamics.”
Sa halip, sinabi ni Go na ipagpapatuloy ng pamahalaan ang karagdagang targeted at managed subsidies para sa mga sektor na pinakaapektado ng tumataas na presyo ng fuel, kabilang ang public transport operators, drivers, commuters, gayundin ang mga magsasaka at mangingisda.
“This measured and targeted response is designed to deliver immediate relief, ensuring that support reaches those who need it most, while preserving fiscal space to sustain essential public services and respond to an unpredictable global environment,” ani Go.
Sinabi rin ni Go na patuloy na babantayan ng DBCC ang galaw ng pandaigdigang oil market at handang magpatupad ng kaukulang polisiya kung kinakailangan.
Samantala, sinabi ni Go na ang ganap na pagsuspinde sa excise tax ng kerosene at liquefied petroleum gas (LPG) ay direktang makatutulong sa bawat pamilyang Pilipino at maliliit na negosyo gaya ng mga carinderia.
Ayon sa kanya, tinatayang makatitipid ng P36.96 sa bawat 11-kilogram na tangke ng LPG at P5.56 kada litro ng kerosene dahil sa nasabing suspensyon.
Binigyang-diin ni Go na nakatuon ang ayuda sa mga pinakaapektadong sektor, ngunit makikinabang din dito ang middle-income families.
“This means the benefits extend beyond the poorest households to also support middle-income families. For these families, every peso saved on fuel costs means more resources for food, education, and healthcare,” dagdag pa ni Go.
Trending
- ‘Di ako takot sa Trump admin – Pope Leo
- Brgy. officials sa ikatlong termino, disqualified na sa BSKE 2026
- BSKE budget realignment sa fuel crisis, ‘unconstitutional’
- DOF: Pagsuspinde ng excise tax ng gasolina at diesel, halos wa-epek din
- Mas mabilis na pagkuha ng permit, inilunsad ng DENR sa Maynila
- Dark-colored shirts, pinakamabisang proteksiyon kontra UV rays — pag-aaral
- Higit 3.9M nagparehistro sa BSKE 2026
- 6-buwang ‘salary donation’ ng mga kongresista vs oil crisis, isinusulong
