Muling hinarap ng mga tropa ng pamahalaan ang pag-atake ng mga armadong kalalakihan matapos pagbabarilin ang isang detatsment ng Philippine Army sa Barangay Manggay, Talitay, nitong Martes ng gabi.
Ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP), 7:00 ng gabi nang maganap ang insidente habang nagsasagawa ng regular na perimeter security ang mga sundalo ng 12th Mechanized Infantry Company.
Batay sa paunang imbestigasyon, napansin ng mga sundalo ang paggalaw ng mga ilaw ng flashlight sa layong humigit-kumulang 150 hanggang 200 metro mula sa kanilang detatsment.
Ilang sandali pa ay bigla umanong nagpaputok ang mahigit 15 armadong kalalakihan, dahilan upang gumanti ng putok ang mga sundalo.
Umabot sa tinatayang 20 minuto ang palitan ng putok bago umatras at tumakas ang mga suspek patungo sa hindi pa matukoy na direksyon.
Kinumpirma ng mga awtoridad na walang naiulat na nasawi o nasugatan sa panig ng militar.
Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation at masusing imbestigasyon ang pinagsanib na pwersa ng Philippine Army at PNP upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin, ang grupong kanilang kinabibilangan, at ang motibo sa pag-atake.
Ayon sa mga awtoridad, ito ang ikatlong naitalang pag-atake laban sa mga pwersa ng pamahalaan mula nang ipatupad ang Total Gun Ban sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) bilang bahagi ng paghahanda para sa kauna-unahang parliamentary elections sa rehiyon.
Patuloy ang operasyon at imbestigasyon upang matukoy kung may kaugnayan ang insidente sa nalalapit na halalan o sa aktibidad ng mga armadong grupo sa lugar.
Trending
- Trailer truck nahulog sa sapa: 3 sakay nasagip
- Dawlah Islamiya bomb-maker, timbog
- M’danao binaha; P2.3m pinsala sa sakahan naitala
- Grupong Pinoy sa Tsina: ‘Di kami unggoy!
- Napoles, ex-opisyal ng DAR guilty sa malversation
- Valid ID ‘di kailangan sa pagkuha ng Postal ID
- Price cap sa agri products, ‘di kailangan
- Robin naglalagay ng kulay sa impeachment trial

