Mas epektibong proteksiyon laban sa mapaminsalang ultraviolet o UV rays ang dark-colored at bright-colored na damit kaysa light-colored na kasuotan, ayon sa isang pag-aaral na binanggit ng mga dermatologist, taliwas sa karaniwang payo na magsuot ng mapuputing damit tuwing tag-init.
Batay sa pag-aaral ng American Academy of Dermatology Association na iniulat sa GMA News, mas nakapagbibigay ng proteksiyon laban sa UV rays ang dark-colored clothes gaya ng itim, gayundin ang bright-colored clothes tulad ng pula. Sa kabilang banda, hindi umano sapat ang kakayahan ng light-colored at pastel-colored na damit na sumipsip ng UV rays.
“The black colors will actually block more of the UV rays. Mas pumapasok ang UV rays sa lighter colors. So, it will cause more of pagkasunog or tinatawag na UV damage,” paliwanag ni dermatologist Dr. Jean Marquez.
Ayon kay Marquez, mahalaga ring isaalang-alang ang uri ng tela, lalo na para sa mga taong matagal na nabababad sa araw. Inirekomenda niya ang dark-colored clothes na yari sa tightly woven fabric gaya ng nylon, polyester, at lycra para sa mas matibay na proteksiyon laban sa sikat ng araw.
Gayunman, sinabi niyang kailangang madalas palitan ang mga ganitong kasuotan dahil hindi gaanong sumisipsip ng pawis ang mga ito, na maaaring magdulot ng bungang-araw o prickly heat kapag naiipon ang pawis sa balat.
Para naman sa mga hindi magtatagal sa ilalim ng araw, sinabi ni Marquez na maaari pa ring magsuot ng light-colored cotton shirts.
Pinayuhan din ng Philippine Textile Research Institute ng Department of Science and Technology ang publiko na gumamit ng breathable fabric o telang hindi nagkukulong ng pawis sa katawan. Ayon dito, nakatutulong din ang linen at cotton para mapabuti ang daloy ng hangin sa katawan, habang mainam din ang mga damit na gawa sa natural materials tulad ng abaca at piña.

Share.