Inalis na ng Department of Agriculture (DA) ang pansamantalang ban sa pag-aangkat ng mga hayop na madaling mahawa ng foot-and-mouth disease (FMD) at mga kaugnay na produkto mula Hungary.
Sa isang pahayag nitong Huwebes, sinabi ng DA na kasunod ito ng desisyon ng World Organization for Animal Health (WOAH) na ibalik ang FMD-free status ng Hungary containment zone matapos nitong makumpirmang sumusunod ito sa international animal health standards.
Naunang ipinatupad ang suspensyon sa pag-aangkat sa ilalim ng DA Memorandum Order No. 16, series of 2025, bilang pag-iingat kasunod ng FMD outbreak sa Hungary.
Sa ilalim naman ng bagong Department Circular No. 34, maaari nang muling mag-angkat mula sa Hungary ng FMD-susceptible animals, karne, at iba pang produktong nagmula sa mga hayop.
Nilinaw ng DA na mananatiling sasailalim sa umiiral na sanitary at veterinary regulations ng ahensya ang lahat ng papasok na kargamento.
Magkakabisa ang bagong kautusan 15 araw matapos itong mailathala sa opisyal na website ng DA at mairehistro sa Office of the National Administrative Register.

Share.
Exit mobile version