Inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla na nakapagtala ng humigit-kumulang 30% pagbaba sa mga krimen sa bansa nitong mga nakaraang linggo, kasabay ng pagpapatupad ng “Safe Cities” initiative.
Kabilang sa mga ipinatutupad na hakbang sa ilalim ng programa ang mas mahigpit na ordinansa ng mga lokal na pamahalaan, gaya ng curfew para sa mga menor de edad, pagbabawal sa pag-inom ng alak sa pampublikong lugar, at regulasyon laban sa paglalakad nang walang suot na pang-itaas at paggamit ng videoke sa dis-oras ng gabi.
Sa panayam ng isang radio news channel nitong Huwebes, Abril 16, 2026, sinabi ni Remulla na kapansin-pansing bumaba ang mga insidente ng krimen tulad ng homicide, murder, shoplifting, at rape sa iba’t ibang panig ng bansa.
“Yung shoplifting, homicide, murder—lahat bumagsak siya significantly dahil dahil nga wala—mga shoplifting na wala ‘yan dahil nga dito sa mas konting tao sa kalye. Ang rape bumaba rin,” saad ni Remulla.
Iginiit din ng kalihim na hindi kailangang gumamit ng dahas upang mapanatili ang kaayusan, kundi sapat ang tuloy-tuloy na pagpapatupad ng batas.
“Nagagawa natin na wala kang dapat patayin, ‘yan ang importante diyan. Dati ang ginagawang sistema para panakot, papatayin,” saad niya.
Dagdag pa niya, “Ito, ipapatupad mo lang ‘yung batas—simple lang, ipapatupad mo, ipapaliwanag mo, bayad ka ng multa, konti lang naman, titiketan.”
Ayon pa kay Remulla, nabawasan din ang karahasang may kinalaman sa mga kabataan dahil sa pagpapatupad ng curfew, na naglilimita sa kanilang pananatili sa lansangan sa gabi.
“Yung mga bata kasi kapag hindi mo inalagaan yan, maggagraduate yan sa inom…shabu, magiging geng geng na ‘yan. ‘Pag genggeng na yan didiskarte na ‘yan. Ngayong nasa bahay na sila, nababawasan yung gang violence sa mga bata,” aniya pa.
Bagama’t wala pang inilalabas na opisyal na datos hinggil sa paggamit ng ilegal na droga, sinabi ni Remulla na bumaba umano ang suplay nito, dahilan upang tumaas ang presyo ng shabu sa merkado.
Binigyang-diin din niya ang pagkakaiba ng kasalukuyang polisiya kumpara sa kampanya kontra droga noong administrasyon ni Rodrigo Duterte.
“You don’t have to kill people. Hindi mo na kailangang patayin para bumaba ang krimen,”
Samantala, iniulat ni Anthony Aberin, hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO), na mahigit 72,000 na ang nahuling lumabag sa mga ipinatutupad na ordinansa sa Metro Manila.
Trending
- John Cena, tinalampak ‘TikToker’ na nangharana sa kaniya sa isang cafe
- Tapatang Pacquiao brothers, ekis mangyari!
- Award-winning actress Sue Prado pumanaw @ 44
- 1st death anniv ni Ate Guy ipinagdiwang
- Viewers ng Showtime, lumilipat sa Eat Bulaga ‘pag wala si Vice
- PBBM, nangakong wawakasan ang gutom sa bansa bago matapos ang termino
- Malacañang, nilinaw na walang direktang deal ang bansa sa Petronas para sa diesel shipment
- Over-importation ng asukal pinatatalupan

