Binalaan ng Commission on Elections ang publiko laban sa pagpapakalat ng maling impormasyon na maaaring magdulot ng kalituhan sa mga botante.
Partikular na rito ang napipintong Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Nobyembre kung saan may ilang nagpapakalat na hindi daw ito matutuloy.
Paalala ng ahensya, ang sinumang mapatunayang nagpapalaganap ng fake news kaugnay ng eleksyon ay maaaring managot sa ilalim ng Omnibus Election Code at maharap sa kasong election offense.
Nilinaw naman ng COMELEC na tuloy ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections ngayong taon.
Sa inilabas na pahayag ng Comelec, nililito at mali ang impormasyon sa mga post na nagsasabing may desisyon ang Korte Suprema na ipagpaliban ang BSKE.
Pero iginiit ng Comelec na nakatakda na ang halalan sa Nobyembre 2, 2026 alinsunod sa Republic Act No. 12232 na nilagdaan ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. noong Agosto 2025.
Kaugnay nito, hinimok ng Comelec ang publiko na umasa lamang sa opisyal na anunsyo ng ahensya para sa mga impormasyon tungkol sa nalalapit na Barangay at SK Elections.

Share.
Exit mobile version