Tinawag ni Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima ang China na makapal ang mukha matapos palabasin na ang Pilipinas ang nagsisimula ng gulo at pagkatapos ay umaaktong biktima.
“ANG KAPAL TALAGA NG MUKHA”, ani De Lima matapos isisi ng mga ito sa Philippine Navy ang insidente noong Lunes sa Ayungin Shoal kung saan hinataw ang ulo ng isang sundalo na ikinasugat nito.
“China is once again twisting the narrative even though it is the one intruding into our territory. Sinong niloloko nila? Anong gusto nilang mangyari — magwalang-kibo lang ang ating mga sundalo habang nanghihimasok sila at naglalamyerda sa ating soberanya?” ang galit na pahayag ng mambabatas.
“Kahit bali-baligtarin nila ang totoong nangyari, hindi uubra ang palusot nila. Hindi naman ito ang unang beses na gumawa sila ng kabulastugan at karahasan at pagkatapos ay hindi sila aamin,” dagdag pa nito.
Sinabi ng mambabatas na madalas itong ginagawa ng China dahil yung pagbangga ng mga ito sa barko at bangka ng Pilipinas ay laging pinapalabas na kasalanan ng mga Pilipino.
“Yung pambobomba ng tubig sa ating mga barko at mga mangingisda pati na yung panghaharang nila sa ating mga resupply mission, pero kaibigan daw natin sila. Yung 10 years na mula nang nanalo tayo sa kaso sa Permanent Court of Arbitration na kumikilala sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea, pero pilit pa rin nilang inaangkin hanggang ngayon gamit ang mga imbentong linya,” ayon pa kay De Lima.
Aminado ang mambabatas na may mga opisyales ang Pilipinas na nananahimik at nagbubulag-bulagan sa ginagawa ng China at ang iba naman ay dinedepensahan pa sila sa pananakop sa WPS.
Gayunpaman, mayorya aniya sa mga Pilipino ang hindi maaaring lokohin at patahimikin ng China at patuloy na ipaglalaban ang karapatan ng bansa sa karagatan na pilit inaangkin ng nasabing bansa.
“Umaasa po tayo sa agarang paggaling ng nasugatan nating mga sundalo sa panibagong karahasang ito ng China. Saludo po kami at taos-pusong nagpapasalamat sa tapang at kahandaan ninyong ipagtanggol ang ating teritoryo,” ani De Lima.
Muli ding nanawagan ang mambabatas sa administrasyon na iprayoridad ang dagdag na kapasidad at kagamitan sa pagpapatrolya at pagdepensa sa WPS upang matumbasan ng mas matapang na aksyon ang pambu-bully at pag-alisputa ng China.
“Kung walang pakundangan ang China sa panggigipit at panghihimasok nila, hindi na sapat ang mga tugon na para bang tinatantya pa natin ang mararamdaman nila. Ipagtanggol natin ang Pilipinas. Protektahan natin ang mga Pilipino,” dagdag pa ni De Lima.

Share.